^
EDITORYAL - Plastic bags bawal na sa Quezon City

EDITORYAL - Plastic bags bawal na sa Quezon City

(Pang-masa) - March 3, 2021 - 12:00am

IPINATUPAD na ang Quezon City Ordinance 2868-2019 noong Lunes. Ito ay ang pagbabawal sa paggamit ng plastic bags at single-use plastics. Una nang ipinatupad ang pagbabawal sa paggamit ng plastic bags sa lungsod noong Enero 1, 2020 subalit ipinagpaliban muna nang isailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila dahil sa COVID-19.

Ngayon ay tuluy-tuloy na ang implementasyon ng plastic ban at ang mga lalabag na establishments ay may katapat na multa. Maging sa mga hotel at restaurants ay ipagbabawal na rin ang paggamit ng plastics.

Nagtungo sa ilang palengke si Mayor Joy Belmonte at namahagi ng mga bayong at ecobags sa mga namamalengke upang isulong ang kanyang kampanya na mabawasan ang paggamit ng plastic sa lungsod. Kamakailan lang, mariing sinabi ni Belmonte na nararapat nang maipatupad ang matagal nang hinahangad ng lungsod na mabawasan ang mga basurang plastic. Ito rin aniya ang sagot ng lungsod sa malawakang kampanya sa buong mundo na mabawasan ang greenhouse gas emissions at mapalakas ang climate resilience. Ayon pa sa mayor, sa muling pagpapatupad ng plastic bag ban, naniniwala siyang magtatagumpay ito at magiging kaugalian na sa lungsod.

Noong Pebrero 15, nag-isyu ng memo si Belmonte na     nag-uutos sa shopping malls, supermarkets, fast food chains, drug stores at iba pang retailers na ihinto ang pa-mamahagi ng plastic bags sa kanilang customers. “We will not allow the retailers to use plastic bags anymore at the check out counters. Kailangan nang magdala ng mamimili ng sarili nilang reusable bags,” sabi ni Belmonte. 

Napakaganda ng hakbang na ito ng Quezon City. Sa pagbabawal sa plastic bags at single-use plastic, hindi lamang ang pagkasira ng kapaligiran ang maisasalba kundi pati na rin ang malawakang pagbaha sa lungsod. Napatunayan na ang mga single-use plastic na gaya ng sachet ng 3-in-1 coffee, shampoo, toothpaste, catsup, sando plastic bags at iba pa ang bumabara sa mga daluyan ng tubig. Dahil hindi nabubulok, nananatili ito sa matagal na panahon kaya hindi masolusyunan ang baha. Sa mga estero sa Metro Manila, pawang single-use plastic at plastic bags ang namumulaklak.

Tularan din sana ng ibang mayor sa Metro Manila ang aksiyon ng Quezon City na nagbabawal sa plastic bags at single-use plastic. Ngayon na ang tamang panahon para bawasan ang paggamit ng plastic na nakasisira sa kalikasan.

PLASTIC BAGS
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with