^

Sampung araw vs. sampung taon

DIKLAP - Annabelle O. Buenviaje (Pang-masa) - February 11, 2021 - 12:00am

ANG hari ay may alagang limang malalaki at mababagsik na aso. Sa kulungan ng limang aso ipinatatapon ng hari ang mga taong nagkasala sa kanya. Hinahayaan niyang patayin ng mga aso ang mga nagkasala sa kanya. Minsan nagalit ito sa kanyang utusan dahil may mali itong naipakain  sa paborito nitong kabayo na naging dahilan para magkasakit. Sa kabila ng paggaling ng kabayo dahil nagamot kaagad ng beterinaryo, pinatawan pa rin ng parusa ang kawawang utusan na 10 taong naglingkod sa hari nang buong sipag at katapatan. Nang bibitbitin na ng mga guwardiya ang katulong, lumuhod ito sa hari at nakiusap.

“Mahal na Hari, bago mo ako ipatapon sa kulungan ng mga aso, puwede ba akong magpaalam sa aking mga inaalagaang hayop dito sa palasyo? Bigyan ninyo ako ng 10 araw para pagsilbihan ko sila sa huling pagkakataon.”

Pumayag ang hari. Lingid sa kaalaman ng hari, nag-concentrate ang utusan sa pagsisilbi sa limang mababagsik na aso. Ito lamang sa mga hayop sa palasyo ang hindi niya naaalagaan dahil may sarili itong tagapag-alaga. Nakiusap ang utusan sa tagapag-alaga ng limang aso na magpalit sila ng assignment sa loob ng sampung araw. Aso ang aalagaan niya, samantalang ang caretaker ng mga aso na nagkataong best friend niya ay sa kabayo at ibang hayop maa-assign.

Sa loob ng 10 araw ay pinagbuti ng utusan ang pag-aalaga ng mga aso. Kinakantahan niya ang mga ito habang kinakamot isa-isa ang ulo ng mga ito hanggang makatulog. Pinasasarap niya ang pagkaing isinisilbi at sinisigurong malinis ang tubig na ipinaiinom. Nang ika-anim na araw na, doon na siya natutulog sa kulungan ng mga aso dahil nakikipaglaro na ang mga ito sa kanya. Tinanggal niya ang bagsik ng mga aso at naging malambing ang mga ito sa kanya.

Sumapit ang ika-11 araw, ang utusan ay itinali ng mga guwardiya at itinapon sa kulungan ng limang aso. Pagkaraan ng 24 oras, binisita ng hari ang kulungan. Sa halip na gutay-gutay na katawan ng utusan ang dinatnan, aba, humahalakhak na utusan ang kanyang nadatnan na buong kasiyahang nakikipaglaro sa limang asong “mababagsik”.

“Anong ibig sabihin nito? Bakit hindi ka kinain ng aking mga alaga?” tanong ng hari na takang-taka sa nadatnang eksena.

“Pinagsilbihan ko po ang mga asong ito nang buong husay ng 10 araw at hindi nila iyon nakalimutan. Pero kayo po Mahal na Hari ay pinagsilbihan ko ng 10 taon ngunit nakalimutan mo ‘yun dahil lang sa isang kamaliang aking nagawa”.

Napahiya ang hari. Mas mabuti pa pala ang hayop kaysa kanya. Pinatawad at pinalaya niya ang utusan. Bilang bonus, ibinalik niya ito sa trabaho at ginawang pinuno ng lahat ng tagapag-alaga ng hayop. Tinanggal ng hari ang malupit na parusang pagpapalapa sa aso at pinalitan ng parusang makatao.

 

DOG
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with