^

Punto Mo

Academic freedom ang tatamaan

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

NAGING mainit ang isyu ng pagpapawalambisa ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa kasunduan ng Department of National Defense (DND) at ng University of the Philippines (UP) noong 1989 na nagbabawal sa pagpasok ng pulis at militar sa loob ng UP campus nang walang pahintulot ng UP administration.

Ayon kay Lorenzana, kailangan nang pawalambisa ang kasunduan, sapagkat ginagamit ito ng Communist Party of the Philippines (CPP) at ng New People’s Army (NPA) para makapag-recruit ng mga miyembro. Ako’y produkto ng UP, nag-aral sa UP Diliman Campus noong 1969 hanggang 1973. Sa nasabing panahon, marahil may mga na-recruit nga ang CPP at NPA, kung paanong may mga na-recruit din ang pulis, militar, institusyon ng gobyerno, simbahan, akademya, at negosyo.

Kung kailangang papagpaliwanagin ang UP kung bakit may mga estudyante ito na naging CPP o NPA, dapat ding papagpaliwanagin ang iba kung bakit may mga estudyante sila na nang mapasok sa gobyerno ay nagnakaw ng pera ng bayan, naging abusado sa kapangyarihan, na-ging drug lord o jueteng lord.

Tila karaniwan lamang ang balitang ito na hindi na dapat pang pansinin. Ngunit may mas malalim na isyu na sangkot dito na apektado hindi lamang ang UP, kundi lahat ng mga institusyon sa mataas na pag-aaral; hindi lamang ang mga estudyante ng UP, kundi lahat ng mga estudyante sa kolehiyo at unibersidad. Apektado ang lahat ng mga kabataang Pilipino na ayon kay Jose Rizal ay pag-asa ng bayan. 

Academic freedom ang mas malalim na isyu. Ang UP ang tinaguriang “balwarte ng demokrasya at academic freedom,” kung saan ang mga estudyante ay malayang makatatanggap ng mga kaalaman tungkol sa iba’t ibang disiplina o ideolohiya nang walang pakikialam ng estado. Bilang estudyante noon ng UP, iminulat ako nito sa malulungkot na katotohanan sa labas ng classroom, sa mapanuring pag-iisip bilang batayan ng anumang desisyon, at sa pagmamahal sa bansa.  

Ginagarantiyahan ng Konstitusyon ang academic freedom sa pagsasabing, “academic freedom shall be enjoyed in all institutions of higher learning.” Ang ginamit na salita’y “shall” at hindi “may.” Ibig sabihin, kailangan itong sundin nang walang pasubali.

Ano ba ang academic freedom? Tanging ang mga kolehiyo’t unibersidad ang makagagawa ng depinisyon nito, ayon sa kani-kanilang konteksto. Delikado ng sinabi ni Commission on Higher Education Chairman Prospero De Vera na bubuo siya ng Panel of Education experts upang gawan ng depinisyon ang academic freedom at ang magiging papel ng pulis at militar sa pangangalaga ng academic freedom.

Maging ang Korte Suprema ay hindi nagtangkang magbigay ng depinisyon ng academic freedom, sa halip, ang inisyu nito ay ang apat na pillars ng academic freedom. Ayon sa Korte Suprema, lahat ng institusyon sa mataas na pag-aaral ay may karapatan sa ilalim ng Konstitusyon na magpasya sa sumusunod na apat na pillars: 1). Sino ang magtuturo; 2). Ano ang ituturo; 3). Paano ito ituturo; 4). Sino ang tatanggapin para turuan.

Ang pagpapalawambisa ni Secretary Lorenzana sa kasunduan ng DND at UP ay pinangangambahang simula ng malawakang pagsikil sa academic freedom. Kung walang academic freedom, ano na kaya ang mangyayari sa ating mga kabataan? Sasabihin pa rin kaya ni Rizal na sila ang pag-asa ng bayan? Nakakatakot ang sagot sa tanong na ito!

vuukle comment

DELFIN LORENZANA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with