Turuan ang mga residente na magreport sa nakikitang krimen

NAKABABAHALA ang isang video na natanggap ng BITAG mula Lupon, Davao Oriental. Makikita ang isang lalaki na nakadapa habang ang isa’y nasa ibabaw at tinutuhod siya sa ulo.

Tipikal na ang bayolenteng eksena. Ang kakaiba, nanonood lamang ang mga tao sa paligid, walang Barangay na rumesponde’t umaawat.

Para bagang masasabi mong may kultura ng kawalan ng pakialam (apathy) ang komunidad. Walang pakialam kesehodang may aktuwal ng krimen na nangyayari.

Walang umaawat, tahimik lamang na nakatingin habang may halos mamatay na sa bugbog na indibidwal. Nakakatakot ang lantarang pagkawalang-bahala.

Kinumpirma ng barangay na walang tumawag sa kanila para ireport ang nangyaring gulo kaya walang rumesponde. Alas kuwatro ng hapon nangyari ang kaguluhan.

Ayon sa hepe ng Lupon Police Station, ang lalaking binubugbog ay dayo lamang sa lugar. Lasing daw itong dumating sa kanilang barangay at may sinirang kuntador.

Here comes the hero, na marunong umanong mag-martial arts, binanatan ang lasing na kolokoy. Nang makausap ko, sagot niya: Sir self-defense lang po.

Kahangalan ang pumatol sa baliw sa alak. Imbes na tumawag sa awtoridad, inilagay ang batas sa kanyang mga kamay.

Paliwanag naman ng pulis, binitbit nila ang dalawa sa police station. Ang bugbog saradong biktima, pinauwi at pinakuha ng medico legal – all by himself.

Ang nambugbog, pinauwi rin dahil inaantay ang pormal na reklamo raw ng biktima. Strike 2, malaking katangahan!  

Sapat na ang video para gawing ebidensiya sa nangyaring krimen. Eh ang mga tonggak, pinauwi pareho ang nambugbog at binugbog.

Ang ending, direct filing. Eto ang resulta ng masamang kultura ng pagwawalambahala, pag-ayon sa harapang karahasan.

Ang punto ko, turuan n’yo ang mga residente at komunidad diyan sa Lupon, Davao Oriental na mangialam, magreport sa kinauukulan kung may nakikitang krimen gaya nito.

 

 

Show comments