Online loan, maaari bang takbuhan kung wala namang pinirmahang kontrata?
Dear Attoney,
Makakaiwas ba ako sa pagbabayad sa utang ko online? Wala naman po kasi akong pinirmahang kontrata dahil online lang naman ang naging transaksyon namin nung lending site na nagpautang sa akin. — Jhon
Dear Jhon,
Aminado ka naman at ikaw na mismo ang nagsasabing may utang ka kaya hindi mo na dapat tanungin kung kailangan mo bang bayaran ang halagang hiniram mo.
Hindi mahalaga kung may pinirmahan kang kontrata o wala dahil unang-una, hindi naman lahat ng kontrata ay kailangang nakasulat.
Walang nakasaad sa batas na kailangang nakasulat ang kontrata para sa simpleng pagpapautang katulad ng naging transaksyon mo sa online lending site na hiniraman mo ng pera mo kaya sapat na ang pagkakaroon niyo ng tinatawag na “meeting of the minds” o pagkakasundo ng isip ukol sa pagpapautang sa iyo at ang pagbabayad mo nito.
Nakasaad din sa Civil Code ang pagbabawal sa tinatawag na unjust enrichment o ang hindi patas na pagtanggap ng benepisyo kapalit ng pagka-agrabyado ng ibang tao.
Sa madaling salita, ipinagbabawal ng batas ang panlalamang sa kapwa kaya kailangan mong bayaran ang utang mo alinsunod sa napagkasunduan n’yo, kahit wala ka namang pinirmahang kontrata ukol dito.
- Latest