Hindi ako susuko (111)

TOTOO nga ang sinabi ng kanyang boss na darating ngayon ang babaing gustong bilhin ang Sir Abe painting. Talagang malaki ang pagkagusto sa painting sapagkat sinadya pa siya rito para kumbinsihing bibilhin iyon.

Pero buo na ang pasya ni Reagan na hindi ipagbibili ang painting. Harapan niyang sasabihin iyon sa babae, na ayon sa deskripsiyon ng kanyang boss ay nahahanay sa alta sosyedad. Maganda raw ang babae na nasa mahigit 50 ang edad.

Habang hinihintay ang babae, biglang tumunog ang cell phone ni Reagan. Nang tingnan niya kung sino ang tumatawag, si Sir George pala.

“Hello Sir George!’’

“Hello Reagan. Pupunta ako ngayon diyan sa opis mo. Aalis na kasi kami ni Misis papuntang Dubai bukas at gusto ko magkita tayo bago ako umalis. Free ka ba?’’

“Opo. Sige po Sir George.’’

“Actually papunta na ako diyan ngayon.’’

“Hihintayin kita Sir George.’’

“Sige Reagan. Parating na ako.’’

Ibinaba na ni Reagan ang phone.

Napatingin siya sa relo. Pasado alas nuwebe na!

Nasaan na kaya ang babaing hinihintay niya? Baka kung saang opis nagpunta?

Sabi ng guard ay pa­aakyatin na pero bakit wala pa?

Hindi kaya nagkita ang boss niya at ang babae? Niyaya ng boss sa kanyang opisina at doon nag-uusap. Posible.

Nakaramdam ng pag-dyinggel si Reagan.

Ipinasya niyang dyu­minggel muna habang wala pa ang boss.

Mabilis siyang nagtungo sa comfort room.

Nang bumalik siya sa kanyang opisina. Naroon na ang babaing gustong makipag-usap sa kanya. Nakaupo na ito sa silya sa harapan ng mesa.

Nakatagilid ang mukha ng babae. Maganda nga at kabilang sa alta sosyedad.

Nang pumasok siya at makita nang malapitan ang babae, hindi siya maaaring magkamali!

Ito ang babaing lumait-lait sa kanya noon.

Ito ang umapi sa kanya.

Ito ang babaing nagsabi na inubos daw niya ang pera ng kanyang ama.

Ito ang anak ni Sir Abe!

Si Thelma!

(Itutuloy)

 

Show comments