^

Patay ‘bubuhayin’, gagawing chat bots

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo (Pang-masa) - January 24, 2021 - 12:00am

NOONG nakaraang buwan, naaprubahan ang patent na inaplayan ng American technology company na Microsoft para sa nililikha nitong chat bot na iwinangis sa katangian ng isang taong namatay na. Hindi naman aktuwal at pisikal na bubuhayin ang patay.

Sa pamamagitan ng social data nito tulad ng sa Facebook, Instagram, Twitter, WhatsApp  at iba pang kinakailangang impormasyon hinggil sa kanya noong nabubuhay pa siya, tutularan ng chat bot ang kanyang mga ugali, pananalita, at  paraan o sistema o kalakaran  ng pakikipag-usap sa ibang tao.

Hindi pa naman daw inilalabas ng naturang kompanya ang teknolohiyang ito sa publiko dahil wala pa itong opisyal na pangalan  at walang kasiguruhan kung itutuloy talaga nila o baka ibenta nila sa ibang kompanya bagaman nakakuha na ito ng patent o karapatan sa pagmamay-ari.

Kaya, kung maisusulong ang naturang teknolohiya, parang nakita mong muli at nakakausap ang isa mong mahal sa buhay, kamag-anak o kaibigan na matagal nang namayapa sa pamamagitan ng naturang chatbot.  Tulong din umano ito para sa mga naulila o namatayan na hindi pa maka-“move on”.  O kaya, ikaw mismo, ay maaaring “mabuhay muli” kung papayag kang maging chatbot kapag namatay ka.

Ang chatbot ay isang software application na ginagamit para sa online chat conversation sa pamamagitan ng text o text-to-speech na nagbibigay ng direct contact sa isang buhay na tao. Ginagamit ang chatbot sa isang dialog system para sa iba’t ibang layunin tulad sa customer service, request routing o pagkalap ng impormasyon. Nakikipag-usap ito nang tulad sa isang tao. 

Sinasabing karamihan ng mga chatbot ay nakakaharap sa internet sa pamamagitan ng mga website popups o sa pamamagitan ng virtual assistant. Nagagamit ito sa negosyo,  edukasyon, libangan, pinansiyal, pangkalusugan, pagbabalita at produktibidad.

Ang chatbot na nilikha ng Microsoft ay isa namang  conversational chatbot para sa isang ispesipikong tao. Magiging personalized ang chatbot at lilikha ng isang personality index na batay sa social data ng isang tao. Hangarin din umano ng naturang kompanya na magkaroon ng boses ang chatbot na tulad ng sa boses ng ginagaya nitong  namatay na tao noong nabubuhay pa ito at gamitin ang litrato nito.

Ayon sa The Australian, virtually na bubuhayin ng teknolohiyang ito ang isang namatay  na tao sa pamamagitan ng isang smartphone application at instant messaging application na lilikhain ng Microsoft.

Meron nga lang ilang isyu rito tulad ng sa ethics at privacy. May mga nagsasabing dapat hayaan nang manahimik ang mga patay. Sa privacy, mabubuksan ang ilang mga detalye sa buhay ng mga ito noong narito pa sila sa mundo na hindi dapat malaman ng publiko. 

Pero, ano nga ba ang mararamdaman ng isang tao kung ang kaharap niyang chatbot ay kawangis, kaboses at kaugali ng namayapa niyang mahal sa buhay o matalik na kaibigan? Maaaring matuwa siya o  lalo lang malungkot dahil nami-“miss”  niya ito. Baka nga lang lalong hindi siya maka-“move on” tuwing makikita at makakausap niya ang chatbot na ito.

-oooooo-

Email- rmb2012x@gmail.com

MICROSOFT
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with