^

Punto Mo

Itapon ang brusko attitude, palitan ng athlete discipline

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

BAGO pa tayo tamaan ng COVID-19, malala na ang problema ng trapiko sa Metro Manila. Isa ito sa ipinangako ni Presidente Duterte na kanyang lulutasin sa loob ng anim na buwan, kasama ng pagbuwag sa iligal na droga. Pero tulad ng iligal na droga, tila malabong malutas ang problema ng trapiko sa buong panahon ng kanyang termino.

Grabe ang epekto sa ating ekonomiya ng COVID-19. Pero grabe rin ang pinsala sa ating ekonomiya ng malalang trapiko. Sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), tinaya nito na P5.4 bilyon ang halagang nasasayang araw-araw dahil sa malalang trapiko.

Ano na ang sitwasyon ng ating trapiko kumpara sa ibang bansa? Sa pandaigdigang pag-aaral na ginawa ng Numbeo na may pinakamalaking internet database tungkol sa pabahay, panga-ngalagang pangkalusugan, trapiko, krimen at polusyon, noong nakaraang taon ay nanguna ang Pilipinas sa may pinakamalalang trapiko sa Southeast Asia at pangsiyam sa buong mundo. 

Isinama sa pag-aaral ang 81 bansa at inalam ang karaniwang oras na itinatagal ng trapiko, ang antas ng pagkainis dahil sa nasasayang na oras, kawalang-kaayusan sa sistema ng trapiko, at pagtaya sa nalalanghap na carbon dioxide. Mas mataas ang score ay mas mababa ang kalidad ng trapiko. Ang score ng Pilipinas ay 198.84 points. Ang Indonesia, 194.61; Thailand, 170.60; Malaysia, 169.14; Singapore, 148.61, at Vietnam, 111.12.

Sa buong mundo, ang pinakagrabeng trapiko ay sa Nigeria na nakakuha ng 308.03 points. Sumunod ang Sri Lanka, Kenya, Bangladesh, Egypt, Iran, Peru, India, Pilipinas at Colombia. Nakapunta na ako sa India. Sa obserbasyon ko noon, napakagaan ng ating trapiko kumpara sa India. Pero ngayon, mas malala ang ating trapiko kaysa India.

Isa sa nakikita kong dahilan ay ang kawalan natin ng disiplina sa kalsada. Ang mas umiiral sa atin ay ang brusko attitude, kaysa right of way mindset; hindi kung sino ang nasa lugar, kundi kung sino ang mas matapang. Sa New Zealand, naobserbahan ko na kapag may dalawang sasakyan na magkakagipitan sa daan, ‘yong may right of way ang siyang iilaw bilang senyales na bagamat siya ang may right of way ay pinahihintulutan n’ya ‘yong isang sasakyan na maunang dumaan. Dito sa atin, ang walang right of way ang siyang umiilaw bilang senyales sa may right of way na padaanin siya kung ayaw nitong madisgrasya. Kung sino ang brusko at wala sa lugar ang siyang karaniwang nananaig.

Hindi lamang sa trapiko, kundi sa lahat ng larangan, kailangan ang disiplina upang umunlad.  Wala bang disiplina ang mga Pilipino? Bakit sa ibang bansa ay disiplinado ang mga Pilipino? Bakit sa mga lugar dito sa atin na katulad ng Subic na mahigpit ang pagpapatupad ng batas ay disiplinado ang mga Pilipino? Ibig sabihin, ang problema ay nasa pagpapatupad ng batas. Kung ang nagpapatupad ng batas ay hindi seryoso sa kanyang tungkulan o kaya’y nasusuhulan, walang disiplinang mangyayari.

Si Apostol Pablo ay naghayag ng modelo ng disiplina. Sabi niya sa 2 Timoteo 2:5, “Hindi maaaring gantimpalaan ang isang manlalaro kung hindi siya naglalaro ayon sa mga alituntunin.” Upang masolusyunan ang marami nating pambansang problema na katulad ng trapiko, kailangang itapon na natin ang brusko attitude at isabuhay ang athlete discipline.

vuukle comment

ATTITUDE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with