^

Punto Mo

Kaligtasan ng isa, kaligtasan ng lahat

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

NAGSIMULA na ang United Kingdom (UK) ng pagbabakuna sa mga mamamayan nito laban sa COVID-19 sa pamamagitan ng paggamit ng BioNTech vaccine na gawa ng Pfizer, isang American pharmaceutical company. Buong mundo’y nagdiwang! Ayon sa balita, ang binakunahan ay isang 90-anyos na lola, at ang nagbakuna, isang nurse na Pilipino.

Kailan kaya makararating sa atin ang bakuna laban sa COVID-19? Kanino tayo bibili? Ligtas kaya ang mga bakunang ito?  Ito’y ilan lamang sa mga tanong na marahil ay itinatanong ng bawat Pilipino.

Ayon sa COVID-19 task force, maaaring sa kalagitnaan pa ng Marso 2021 maging available sa atin ang bakuna. Sinabi ng Department of Health na sa ngayon ay tatlong kompanya pa lamang ang nakapasa sa Ethics Review Board (ERB) na isang requirement upang makapagsagawa sila ng clinical trials dito sa Pilipinas. Dalawa sa inaprubahan ng ERB ay mga Chinese pharmaceutical companies.

Malaking pera, mabusising sistema at mahabang panahon ang kinakailangan upang makabili ng mga bakuna na sapat para mabakunahan ang 60 hanggang 70 percent ng populasyon, na ayon sa World Health Organization ay ang bilang na kailangan upang magkaroon ng tinatawag na “herd immunity” ang isang lugar laban sa virus.  Ibig sabihin, kailangang mabakunahan ang hindi bababa sa 60 milyong Pilipino upang masugpo ang coronavirus. Tatlo hanggang limang taon ang kailangan upang maisagawa ito. Mayroon na tayo ngayong 109 milyong populasyon, ikalabintatlo tayo sa may pinakamalaking populasyon sa buong mundo.

Bukod pa sa tanong kung may pera tayong pambili ng bakuna, ang isa pang mahalagang tanong ay kung handang pabakuna ang hindi bababa sa 60 milyong Pilipino. Ayon sa resulta ng isang survey na ginawa kamakailan ng Social Weather Station, 32 porsyento ng mga Pilipino ang nagsabing sigurado silang magpapabakuna, samantalang 34 porsyento ang nagsabing hindi sila sigurado.

Lumalabas na marami pang dapat gawin ang gobyerno upang kumbinsihin ang mga Pilipino na ligtas magpabakuna. Kaya nga’t kamakailan ay hinamon ni Senator Bong Go si Health Secretary Francisco Duque at vaccine czar Carlito Galvez, Jr na unang magpabakuna upang patunayan na ligtas nga ang magpabakuna. Pero ang totoo, wala namang siyento porsyentong ligtas na bakuna, lahat ay may tinatawag na side effects.

Mabuti kung ang layunin ng mga opisyales ng gobyerno na maunang magpabakuna ay para kumbinsihin ang publiko. Ang masama ay kung nais nilang mauna, sapagkat gusto nilang maunang iligtas ang kanilang sarili.  Sa UK, ang una nilang babakunahan ay mga senior citizens at mga health workers, sapagkat sila ang madaling mahawahan ng COVID-19.

Kritikal ang gagawing hakbang ng gobyerno sa susunod na apat na buwan. Ang ating kaligtasan ay nakasalalay sa kanilang wagas na motibo, matalino at mabilis na pagpapasya, at may pagsasakripisyong pagkilos. Kailangang isabuhay nila ang sinabi ni Hesus sa Marcos 10:43-44, “Ang sinuman sa inyo na nais maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo, at sinumang nais maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat.”

Kritikal din ang pakikiisa ng bawat Pilipino. Dapat nating buhayin ang diwa ng bayanihan at damayan. Iukit natin sa ating mga puso na ang laban kontra COVID-19 ay laban nating lahat, sapagkat ang kaligtasan ng isa’y kaligtasan ng lahat.

vuukle comment

VACCINE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with