May kapangyarihan ang ating salita

USAP TAYO - Pastor Joey Umali (Pang-masa) - December 5, 2020 - 12:00am

PANDEMIC — Ito ang salita ng taon na napili ng Merriam-Webster publisher batay sa naitalang dami ng paghanap sa online dictionary ng kahulugan ng naturang salita. Tinawag ng World Health Organization (WHO) ang COVID-19 o coronavirus na isang pandemic. Matapos makapagtala ng 1.4 milyong kamatayan sa buong mundo, at ang bilang ay kasalukuyan pang nadaragdagan, ang salitang ito’y naukit na sa isip ng mga tao sa buong daigdig.

May pangyayari sa kasaysayan na ang isang partikular na panahon ay inilalarawan ng isang salita lamang. Noong nakaraang taon, ang salita ng taon ay they na tumutukoy sa isang tao na ayaw ituring ang sarili na lalaki o babae. Noong 2016, ang salita ay surreal; 2017, feminism; at 2018, justice. Ang mga naunang salita ng taon ay hindi masyadong tumatak sa ating kamalayan, di tulad ng salitang pandemic na kahit mga bata ay nakauunawa na ngayon ng kahulugan ng salita.

Ang pandemic ay galing sa Greek word na pan na ibig sabihin ay lahat o bawat isa, at demos, mga tao. Ang ibig sabihin ng pandemic ay ang pagkalat ng isang sakit sa malawak na lugar katulad ng mga bansa o mga kontinente, kung saan naapektuhan ang napakaraming tao. Mahigit nang 63 milyong tao sa 218 bansa sa buong mundo ang apektado ng COVID-19. Binago ng virus na ito ang pananaw at istilo ng pamumuhay ng sangkatauhan. 

Sa Greek mythology, si Pan ang Diyos ng kagubatan, at nang lumaon, ang imahen ni Pan ay iniugnay sa imahen ng demonyo. Maraming salitang pinangungunahan ng pan ang may hindi magandang kahulugan. Halimbawa, ang salitang pandemonium, na inimbento ni John Milton sa kanyang tulang “Paradise Lost,” ay galing sa salitang pan at demonyo. Ibig sabihin nito’y matinding kaguluhan.

Pag-usapan natin ang kapangyarihan ng salita. Alam mo ba na ang mga salita mo’y may kapangyarihang magbago ng iyong buhay at ng buhay ng iba? Kung ano ang paulit-ulit mong sinasabi, nagkakatotoo ‘yon. Ang tawag dito sa psychology ay “self-fulfilling prophesy.” Halimbawa, kung paulit-ulit mong sinasabi sa iyong sarili na ikaw ay “bobo,” paniniwalaan mong “bobo” ka nga, hanggang sa tuluyan kang maging “bobo.”

Ang salita ay maaaring gamitin sa pagpuri o pag-alimura sa kapwa. Saksi tayo sa maraming taong winasak ng mga fake news at walang basehang alegasyon sa social media. Walang kontrol ang gobyerno sa mga lumalabas sa social media. Ang responsibilidad ng kontrol ay nakasalalay sa bawat gumagamit ng social media. Sabi sa Kawikaan 15:4, “Ang magiliw na salita ay magpapasigla sa buhay, ngunit ang matalas na pangungusap ay masakit sa kalooban.”

Ang mga salitang binibitiwan natin ay nagmumula sa nilalaman ng ating puso.  Sinabi ni Hesus na “Kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng bibig.” Mayroon akong tiyuhin na bawat pangungusap ay may kahalong mura.  Sabi ng aking tiyahin, wala naman daw ibig sabihin ang pagmumura ng kanyang asawa, bulaklak lang daw ‘yon ng dila nito. Sa loob-loob ko, napakapangit namang bulaklak noon.

Alam mo ba na sa paghuhukom, tayo’y huhusgahan ayon sa mga salitang binitiwan natin? Ganito ang wika sa Mateo 12:36-37, Tandaan ninyo, sa Araw ng Paghuhukom, pananagutan ng tao ang bawat walang kabuluhang salitang sinabi niya. Pawawalang-sala ka, o parurusahan, batay sa iyong mga salita.”

 

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with