EDITORYAL - Corruption sa DPWH

EDITORYAL - Corruption sa DPWH

(Pang-masa) - November 27, 2020 - 12:00am

SI President Duterte na mismo ang nagsabi noong nakaraang buwan na talagang talamak ang corruption sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Nangyayari umano ang corruption sa ibaba. Ipinagtanggol naman niya si DPWH Sec. Mark Villar sa usapin ng korapsiyon. Hindi umano magagawa ni Villar na mag-corrupt sapagkat mayaman ito. Sa ibaba raw talaga nagaganap ang katiwalian at ito ang nais niyang madurog. Nangako ang Presidente na ihahayag niya ang mga pangalan ng opisyal at empleyado na sangkot sa korapsiyon. Desidido siyang linisin ang mga tanggapan ng gobyerno bago siya bumaba sa puwesto.

Pero mukhang mahirap malutas ang korapsiyon sa DPWH sapagkat marami palang kongresista ang sangkot dito. Paano mag-iimbestiga ang mga kongresista e mga kapwa kongresista nila ang iimbestigahan? Masyadong masalimuot kapag inimbestigahan ang mga kurakot na kongresista.

Nakakalula ang inihayag ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica na 12 kongresista ang tumanggap ng 15 percent kickback sa mga infra projects ng DPWH. Ayon pa kay Belgica, sa laki ng kickback ng mga kongresista at sa porsiyento naman nakukuha ng mga tiwaling DPWH officials, 50 percent na lang ang napupunta para sa project at ito aniya ang dahilan kaya substandard ang mga proyekto.

Inihalimbawa ni Belgica ang isang kongresista na kumubra ng P10 milyon sa project contractor. Meron namang kongresista na humingi ng P100 milyon sa isang malaking proyekto na gagawin sa kanyang distrito. Kapag hindi raw magbibigay ay hindi papapasukin sa kanyang nasasakupang distrito. Sinabi pa ni Belgica na binu-bully ng mga kongresista ang mga district engineers at contactors.

Dapat pangalanan ni Belgica ang 12 kongresista para malaman na ang ginagawa ng mga ito. Ano pa at itinatag ang kanyang komisyon kung hindi rin lang ibubulgar ang mga gumagawa ng katiwalian. Kapag hindi nahubaran ang mga “buwayang” kongresista, magpapatuloy ang katiwalian sa DPWH at hindi matutupad ang nais ni President Duterte na aalis siyang malinis sa katiwalian ang mga tanggapan ng gobyerno.

Simulan ng PACC ang paglalantad sa mga kurakot na mambabatas. Ito ang magandang magagawa ng tanggapan sa taumbayan.

 

CORRUPTION
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with