Hindi ako susuko (51)
LINGID kay Reagan, lihim na nag-uusap ang kanyang tatay at nanay. Naaawa ang mga ito sa kanilang anak na namimintong tumigil muli sa pag-aaral ng Fine Arts dahil sa pagkamatay ni Sir Abe. Ngayon ay nagsisimula muli si Reagan upang may pagkakitaan at nang makapagpatuloy.
“Kung may magagawa lamang ako para tuluy-tuloy na makapag-aral si Reagan,’’ sabi ng tatay.
Napahikbi naman ang nanay ni Reagan.
Wala silang magawang tulong para makapagtuluy-tuloy ang anak sa pag-aaral. Hindi pa nakakabangon ang kanilang bukid na sinalanta ng tagtuyo. Palibhasa’y sahod-ulan ang kanilang bukid. Walang pagkukunan ng tubig kaya natigang at walang napakinabang.
Napaubo ang tatay ni Reagan.
Napalingon si Reagan.
“Tatay meron ka bang makukuhang dahon ng madre cacao. Gagamitin ko sa iguguhit kong bulaklak series,’’ sabi ni Reagan.
‘‘Aba oo. Marami. Teka at kukuha ako. Gaano karaming dahon?’’
“Marami Tatay. Pipigain ko at kukunin ang katas.’’
“Sige. Kukuha na ako.’’
Makalipas ang 20 minuto ay dumating ang kanyang tatay na dala ang maraming dahon ng madre cacao.
“Eto na Reagan. Ako na ang magpipiga. Didikdikin ko sa lusong para lumabas ang katas.’’
‘‘Sige Tatay.’’
Nang mapiga ang mga dahon ng madre cacao ay agad ginamit ni Reagan ang katas sa pagguhit.
Napakaganda ng effect.
Hangang-hanga ang tatay at nanay ni Reagan sa husay sa pagguhit ng anak.
LINGGO. Sa harapan ng simbahan sa bayan, pinagkaguluhan ang mga ginuhit ni Reagan. Gustung-gusto nila ang mga artwork.
Iglap lang at naubos ang mga ito.
Hindi makapaniwala si Reagan. Mas mabilis maubos ngayon ang kanyang mga iginuhit.
(Itutuloy)
- Latest