‘Reseta’ ng internet
(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo (Pang-masa) - November 22, 2020 - 12:00am

ISANG maganda sa internet ay makakabasa rito nang mara-ming impormasyon patungkol  sa kalusugan, mga sakit, at mga gamot at iba pang kaugnay nito. Ita-type lang sa search engine ang pangalan ng isang sakit halimbawa at maglalabasan na ang mga link o website na merong mga impormasyon hinggil dito tulad ng mga sintomas, pinagmumulan nito at ang maaaring maging lunas.

Sa katunayan, may mga doktor pa na gumawa ng sarili nilang page sa Facebook at dito ay nagbabahagi sila ng mga kaalamang makakatulong kahit paano sa mga dumaranas ng iba’t ibang karamdaman. Mga kaalamang nagbibigay din ng mga gabay kung paano makakaiwas hangga’t maaari sa mga sakit. Mga kaalamang nagdidiin sa kung paano magiging laging manatiling malusog ang katawan.

Sa mga impormasyong ito mauunawaan ang iba’t ibang sakit, mga implikasyon ng mga ito at iba pa. Madaling makuha ang mga impormasyong ito kung merong smartphone, tablet, desktop computer o laptop bagaman kailangang may koneksiyon sa internet para makuha ang mga kailangang kaalaman sa kalusugan.

Nagmimistula tuloy isang malawak na reseta ng doktor ang mga impormasyon hinggil sa kalusugan na makikita sa internet. Gayunman, hindi dapat maipagkamali na isa itong kompetis­yon sa mga doktor. Iba pa  rin at nararapat pa rin talagang  magpatingin sa mga manggagamot kung may nararamdamang hindi maganda sa katawan.

Bagaman nagkalat sa internet ang maraming impormasyong pangkalusugan, hindi pa rin sapat ito dahil hindi naman lahat ay makikita rito. Kailangan pa ring kumunsulta sa mga doktor dahil sila ang nagpakadalubhasa sa pag-aaral ng medisina at sila ang mas makakapagsabi kung anong gamot o remedyo sa problema ng isang pasyente.

Nasa kanila ang mga detalye na hindi agad makikita sa internet. Sa katunayan, sa mga Facebook page ng mga doktor na nagbabahagi ng mga kaalaman sa kalusugan, idinidiin nila sa mga nakakabasa ang pagpapatingin sa doktor.

Bukod dito, kahit nakakalat sa internet ang mga impormasyon hinggil sa mga gamot sa ilang mga sakit, hindi ka naman makakabili basta-basta nito sa mga botika kung walang kaukulang reseta ng duktor. Hindi ka pakikinggan sa botika kapag sinabi mong nabasa  mo iyon sa internet.

Karaniwan pa sa mga gamot ay may mga kaukulang dosage o dami ng dapat pag-inom nito o gamit na depende sa kalagayan ng isang pasyente bukod pa sa mga posibleng side effect kaya kakailanganin pa rin ang personal na diagnosis ng isang dalubhasang manggagamot. Kaya hindi sapat na makapagsaliksik lang sa internet ng anumang patungkol sa kalusugan, sakit, gamot at iba pa.

Isang mainam din naman sa naturang mga impormasyon sa internet ay namumulat ang mga tao sa mga bagay na may kinalaman sa kanilang kalusugan. Mababatid nila ang mga hakbang na maaari nilang gawin. Pero dapat pa ring mag-ingat sa mga nakikita sa internet dahil meron din namang kumakalat na impormasyon.

Suriin ang kredibilidad ng website na mabubuksan para hindi mabiktima ng fake news. Isa pa rin itong dahilan sa kahalagahan ng pagpapakunsulta sa doktor kahit pa nakakabasa ng mga impormasyon sa internet.

Email: rmb2012x@gmail.com

SEARCH ENGINE
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with