Internet, karibal ng sinehan?
(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo (Pang-masa) - November 1, 2020 - 12:00am

NAPADAAN ako kamakailan sa isang sinehan sa isang kilalang shopping mall at napansin ko ang nakapaskel na presyo ng tiket na mula P230 hanggang P399. Nakadama ako ng bahagyang panghihinayang dahil sa katotohanan na mara-ming pelikula ngayon ang mapapanood nang libre sa internet.  Bumabaha ang mga pelikula, dayuhan man o lokal, sa iba’t ibang website at social media. May mga website na nagpapa-download ng pelikula. Duda ako kung kumikita pa ang mga gumagawa at nagbebenta ng mga pirated DVD ng mga pelikula dahil sa kompetensiyang ito sa internet.

Kaya nakakahinayang o nakakalungkot na magbabayad ka ng mahal sa sinehan pero makikita mo kinalaunan  halimbawa  sa Netflix, HBO  o YouTube o sa IWantTFC at ibang website sa internet ang pelikulang pinanood mo nang dalawang oras sa loob ng sinehan. Baka nga may katotohanan na isa itong dahilan kaya nababawasan ang nagtutungo sa mga sinehan. Naging malakas na karibal nito ang internet na nagbibigay nang libreng pagkakataon sa mga manonood na makita ang gusto nilang pelikula anumang oras at nasaan man sila (bahay o opisina o sa loob ng sasakyan)  o anuman ang gamit nilang gadget tulad ng smartphone o tablet o laptop o desktop computer. Hindi tulad sa sinehan na bukod sa gastusin sa tiket ay mamamasahe ka pa kung wala kang sariling sasakyan bukod pa sa pagkain at meron pang iskedyul o takdang oras ng panonood.

Isa pa naman ang  sinehan sa mga naunang anyo ng  libangan ng mga tao mula nang mauso ang mga pelikula. Masarap manood dahil napakalaki ng screen. Ito ang dinadayo kapag may mga okasyon tulad ng kapaskuhan o kaya ay pinupuntahan ng mga pamilyang nagba-“bonding” o ng  namamasyal na mga magkasintahan.

Ang sinehan ay tulad ng mga komiks noong araw (dekada 50 hanggang dekada 70) o noong nakaraang siglo na kabilang  sa  pinakamurang libangan ng mga tao. Panahon iyon na kahit anong oras ay puwedeng pumasok sa sinehan. Panahon din na kung mamalasin ka naman ay manonood kang nakatayo nang dalawang oras dahil siksikan na ang maraming tao sa loob. Kaya laging may nakapaskel sa labas ng sinehan na Standing Room Only kapag puno na ang lahat ng upuan sa loob.

Panahon na habang nanonood ka ay may umaali-aligid na tindero ng mani at popcorn at iba pang sitsirya.  Panahon iyon na mas mahal ang tiket sa balcony kaysa sa orchestra.  Panahon naman iyon na habang tahimik kang nanonood ay may maiingay sa iyong likuran. Panahon na sa madidilim na sulok ng balcony ay may magkakapareha na gumagawa ng “kamunduhan”  sa halip na nakatutok  ang mga mata sa screen.

Darating kaya ang panahon na tuluyan nang maglaho ang mga sinehan? Hindi  kataka-taka kung mangyayari ito dahil maraming bagay ang nawawala sa patuloy na pagbabago at pagsusulong ng teknolohiya.  Maliban na lang marahil kung magkakaroon ng bagong istratehiya o sistema na magiging daan para  patuloy na pasukin ng mga tao ang sinehan.

Sa kasalukuyan nga, sa mga shopping mall na lang halos merong mga sinehan. Bihira na ang mga stand-alone na sinehan. O kaya, maaaring makikipagsabayan na lang ito sa internet.  Mapapabilang na lang ang mga sinehan sa mga platapormang puwedeng pagpalabasan ng pelikula na siya na rin namang nangyayari sa kasalukuyan.   

Email: rmb2012x@gmail.com

 

INTERNET
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with