Maari ba ang paulit-ulit na pagsasampa ng kaso?
DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos (Pang-masa) - November 1, 2020 - 12:00am

Dear Attorney,

Noong isang taon ay na-dismiss po ang kasong estafa na isinampa sa akin dahil hindi po sumisipot ang private complainant. Dinismiss po ng korte ang kaso dahil nagreklamo ang aking abogado sa matagal na pagkakaantala ng pagdinig sa aking kaso kaya nagdesisyon ang korte na isa na itong paglabag sa aking “right to a speedy trial.” Akala ko po ay ayos na ang lahat ngunit kamakailan ay nakatanggap na naman ako ng subpoena mula sa fiscal at inirereklamo na naman ako ng  estafa ng kaparehong private complainant sa na-dismiss na kaso. Maari po ba itong paulit-ulit na pagsasampa ng estafa laban sa akin na parang wala nang katapusan? — Jim

Dear Jim,

Sa ilalim ng ating Saligang Batas, may tinatawag na “double jeopardy” kung saan hindi pinahihintulutan ang paulit-ulit na pagsasampa ng magkakaparehong kriminal na kaso laban sa iisang akusado. Ayon sa Section 21, Article III ng 1987 Constitution, hindi maaring manganib muli mula sa posibleng kaparusahan ang isang tao para sa iisang paglabag sa batas. Kung naparusahan na o naabswelto na ang isang tao para sa isang paglabag, magiging hadlang na ito para sa muling pag-uusig sa kanya para sa paglabag na ito. Inilagay ito sa ating Bill of Rights bilang proteksiyon sa  walang katapusang pagsasampa ng kaso.

Ang tanong ngayon ay kung applicable ba ang double jeopardy sa sitwasyon mo. Ayon sa Canceran v. People (G.R. No. 206442, July 01, 2015), magkakaroon lamang ng double jeopardy kapag naisampa na sa husgado ang kaso at  pagkatapos ng arraignment ay na-acquit o na-dismiss ito ng hindi dahil sa kagagawan ng akusado. Masasabi bang na-acquit ka na kahit ang kaso mo ay na-dismiss dahil sa matagal na pagkakaantala ng kaso mo? Ayon sa mga kasong dinesisyunan ng Korte Suprema ay oo dahil katumbas ng acquittal ang pagkaka-dismiss sa isang kaso dahil sa paglabag sa right to a speedy trial o karapatan ng isang akusado sa mabilis na paglilitis.

Kaya kung ang panibagong estafa na isinampa sa iyo ay patungkol pa rin sa mga dating akusasyon sa iyo ay dapat na ma-dismiss kaagad yan dahil acquitted ka na sa nasabing krimen at applicable na ang double jeopardy sa kaso mo.

Kung sakaling iba naman itong insidente ng estafa at bago ang mga akusasyon na nakasaad sa reklamo ay walang double jeopardy kaya maari talaga itong isampa laban sa iyo.

ESTAFA
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with