Hindi ako susuko (25)
HABANG inihahanda ni Reagan ang mga gagamitin sa sunod niyang project ay naririnig niya ang masayang pag-uusap ng kanyang tatay at nanay at tatlong kapatid habang kumakain.
‘‘Ang sarap ng dalang ulam ni Reagan ano?’’ narinig niyang sabi ng kanyang tatay.
‘‘Oo nga. Mayaman siguro si Sir Abe ano?’’
‘‘Sigurado yun. Malaki ngang magbayad kay Reagan sa mga pinadudrowing sa kanya.’’
‘‘Sana maging matagal pa ang pagkakaibigan nila ano ?’’
‘‘Paano na nakilala ni Reagan si Sir Abe?’’
Si Kennedy ang sumagot sa kanyang tatay.
‘‘Sabi ni Kuya nakita raw ang mga itinitinda niyang drowing at humanga sa kanya. Pinadrowing agad ang picture ng asawa.’’
“Ah.’’
“Mabait siguro si Sir Abe ano?’’ tanong ng nanay.
‘‘Sigurado yun. Tingnan mo nga at pinabaunan pa ng ulam. Kung sa iba yun ay hindi na para magpabaon ng ulam.’’
‘‘Saan kaya ang bahay ni Sir Abe?’’ tanong uli ng nanay.
“Itanong mo kay Reagan?’’
“Mamaya na. Baka maabala pa sa ginagawa.’’
Pero sinagot na ni Reagan ang tanong ng ina.
“Malapit lang po sa simbahan ang bahay ni Sir Abe, Inay. Mga limang minuto lang po mula sa simbahan.’’
Hindi na nagtanong pa ang kanyang ina.
Nagpatuloy ang mga ito sa kanilang pagkain.
Nagpatuloy naman si Reagan sa pagdudrowing.
Pinagmasdan niya ang picture ng mga anak ni Sir Abe. Tatlo pala ang anak. Dalawang lalaki at isang babae na pawang may mga pamilya na.
Bakit kaya walang dumating sa birthday ng kanilang ina?
Baka mga nasa ibang bansa.
Baka sa telepono na lang sila o sa internet nag-usap.
Talagang nag-iisang namumuhay si Sir Abe.
Kanina, halatang malungkot si Sir Abe nang mabanggit ang namayapang asawa. Naisip ni Reagan, talagang mahal na mahal ni Sir Abe ang asawa. Kaya ipinaghahanda niya ang kaarawan nito.
Naidalangin ni Reagan na humaba pa sana ang pagkakaibigan nila ni Sir Abe.
(Itutuloy)
- Latest