Mga tunay na subersibo at terorista
USAP TAYO - Pastor Joey Umali (Pang-masa) - October 31, 2020 - 12:00am

KAMAKAILAN, binalaan ni Lt. Gen. Antonio Parlarde, Jr. ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang artistang si Liza Soberano na dumistansya sa organisasyong Gabriela matapos itong maging panauhing tagapagsalita sa isang webinar ng grupo. Nagbabala si Parlarde na kung hindi mag-iingat si Soberano, maaari itong matulad sa sinapit ng aktibistang si Josephine Lapira na pinaghihinalaang sumapi sa NPA at napatay sa isang pakikipag­laban sa mga tropa ng gobyerno. Kasama pa sa winarningan ni Parlarde si Angel Locsin at ang Miss Universe na si Catriona Gray. Ipinipilit ni Parlarde na ang sa kanya’y simpleng babala lamang, ngunit iginigiit ng mga progresibong grupo na ito’y maliwanag na pananakot at red-tagging.

Ang red-tagging ay isang estratehiya ng pagtawag, pagpapangalan at pag-aakusa sa isang tao o organisasyong kritikal sa gobyerno bilang makakaliwa, komunista, subersibo, o terorista.  Karaniwan itong ginagamit ng militar at mga ahensiyang tagapagpatupad ng batas laban sa mga itinuturing nilang kaaway ng Estado. Kaydami nang napapatay dahil sa red-tagging at pina-ngangambahang lalo pang darami ang bilang kapag ganap nang ipinatupad ang Anti-Terror Law.

Hindi komo aktibista o kritikal sa gobyerno ay komunista na, o subersibo na, o terorista na.  Marami akong kakilalang Kristiyano na kritikal sa gobyerno, ngunit kailanman ay hindi maaaring maging komunista, sapagkat ang komunista ay hindi naniniwala sa Diyos; at lalo namang hindi maaaring maging subersibo o terorista, sapagkat sumasang-ayon ito sa madugong rebolusyon o pakikibaka na labag sa kautusan ng Kristiyanismo. Ang mga kilala kong ito’y simpleng maka-Diyos, makabayan, at makatao na nagpapahalaga sa katotohanan, katwiran, at katarungan.

Ang totoo, ang mga tunay na subersibo at terorista na nagpapahina at nagpapabagsak sa gobyerno ay ang mga tiwaling pinuno na walang kabusugan sa pagnanakaw at pagsasamantala; at mga militar at pulis na abusado sa kapangyarihan. Sila ang nagpapalakas sa kilusang komunista. Hindi magtatagumpay ang komunismo sa isang lipunang naghahari ang katotohanan, katwiran, at katarungan.

Maging sa buhay expiritwal ay may katumbas na “red tagging.” May mga taong-simbahan na grabe ang pagiging self-righteous, may tinatawag na “holier-than-thou” attitude, sila lamang ang tunay na mabuti at ang lahat ay makasalanan. Maraming taong-simbahan ang relihiyoso lamang, masipag sa pagdalo sa mga gawain ng simbahan na tulad ng pananambahan at panalanginan.

Ngunit ang kabutihan ay limitado sa loob ng simbahan, sapagkat walang pakialam sa nangyayari sa lipunan; relihiyoso, ngunit walang malalim na espiritwalidad. Sila ang mga Kristiyanong nagpapahina at nagpapabagsak sa Kristiyanismo. Sila ang pinatutungkulan ni Mahatma Gandhi nang sabihin nito, “Gusto ko ang inyong Kristo, ngunit ayaw ko ng inyong mga Kristiyano. Ang inyong mga Kristiyano ay kaibang-kaiba ng inyong Kristo.”

Narito ang paglalarawan sa uri ng pagkarelihiyoso na ninanais ng Diyos, ayon sa Santiago 1:27, “Ganito ang pagkarelihiyoso na minamarapat at kinalulugdan ng ating Diyos at Ama; tulungan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kahirapan at ingatan ang sarili na huwag mahawa sa kasamaan ng sanlibutang ito.”

Hindi puwedeng walang pakialam sa lipunan ang mga tunay na Kristiyano. Ang mga Kristiyanong walang pinagmamalasakitan kundi ang sarili at walang pakialam sa kalagayan ng iba ay ang mga subersibo at terorista sa larangan ng pananampalataya, sapagkat sila ang nagpapahina at  nagpapabagsak sa Kristiyanismo.

LIZA SOBERANO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with