Hindi ako susuko (19)
Ronnie M. Halos (Pang-masa) - October 26, 2020 - 12:00am

BIYERNES pa lang ay natapos na ni Reagan ang wedding portrait ni Sir Abe at asawa nito.

Maganda ang pagkakagawa niya. Bumagay ang kulay ng kapeng bigas na ginamit niya sa atmosphere ng kasal ni Sir Abe. Ibang klase pala ang kapeng bigas kapag natuyo sa drawing paper --- nagiging kaakit-a­kit tingnan.

Naisip ni Reagan, mas lalo sigurong maganda kung mamahalin ang drawing paper na gagamitin niya. Ang ginamit lamang niya rito ay karaniwang papel pero maganda na ang epekto ng sabaw ng kapeng bigas.

Matutuwa siguro si Sir Abe sa art niyang ito. Mas maganda ito kaysa sa nauna niyang ginawa na ang ginamit niya ay katas ng duhat.

Idinespley niya ang por­trait para makita ng kanyang mga kapatid at magulang. Ang mga ito ang kanyang taga-hanga.

Nang dumating galing sa school sina Kennedy, Nixon at Clinton, ang portrait agad ang nakita ng mga ito.

‘‘Ang ganda Kuya!’’ sabi ni Kennedy.

‘‘Parang retrato rin Kuya! Kamukhang-kamukha ang orihinal!’’ sabi ni Nixon.

‘‘Pahusay ka nang pahusay Kuya!’’ sabi naman ni Clinton.

‘‘Parang binobola na yata ninyo ako ah!’’ sabing nagta­tawa ni Reagan, ‘‘baka gusto ninyong ibili ko kayo ng siopao sa Linggo kapag dini­liber ko na ‘yan sa nagpagawa.’’

‘‘Sige Kuya, pasalubungan mo kami ng siopao. Matagal na kaming hindi nakakakain ng siopao,’’ sabi ni Kennedy.

“Nakakasawa na ang kamote at balinghoy, Kuya,’’ sabi ni Clinton.

“Pasalubong Kuya ha?’’ sabi ni Nixon.

“Sige. ‘Yung special siopao ang bibilhin ko!’’

Tuwang-tuwa ang mga kapatid ni Reagan.

LINGGO. Maagang nag­tungo si Reagan sa simbahan sa bayan para ideliber ang portrait ni Sir Abe.

Nagsimba muna siya.

Nanalangin na ga­bayan siya ng Diyos sa mga ginagawa at dumami pa ang biyaya.

Matapos magsimba, nagtungo na siya sa may gate ng simbahan kung saan sila magkikita ni Sir Abe.

Pero ilang minuto na siyang nakatayo ay hindi pa rin dumarating si Sir Abe.

Naghintay pa siya.

Lumipas ang marahil ay 30 minuto pero wala pa rin si Sir Abe.

Hindi na mapakali si Reagan.

Bakit kaya wala pa si Sir Abe ?

(Itutuloy)

HINDI AKO SUSUKO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with