Kontrolin ang dila
USAP TAYO (Pang-masa) - October 24, 2020 - 12:00am

ISA sa dapat mapag-aralan ng bawat tao, lalo na ng mataas na opisyal ng gobyerno, ay kung paano kokontrolin ang dila. Kamakailan, naging kontrobersyal si DENR Undersecretary Benny Antiporda dahil sa pagtawag nito sa mga UP scientists na “bayaran” matapos batikusin ng UP Marine Science Institute at ng UP Institute of Biology ang Manila Bay white sand project, sapagkat tatangayin lamang ito ng mga alon kapag bumagyo at hindi ito makatutulong sa paglilinis ng tubig.

Sinabi pa ng mga UP scientists na constructive ang kanilang komento at ang kanilang suhestiyon tungkol sa rehabilitasyon ng Manila Bay ay base sa siyensiya. Alam naman natin na masama ang konotasyon ng salitang “bayaran.” Ang taong bayaran ay walang malasakit, walang konsensiya at pera lang ang mahalaga. Ang tawaging “bayaran” ay isang malaking insulto para sa isang scientist. Kaya sa kabila ng paghingi ng paumanhin ni Antiporda, nanawagan pa rin ang Geographic Society of the University of the Philippines na bawiin ni Antiporda ang lahat ng kanyang sinabi at magbitiw na siya sa kanyang tungkulin.

Ito ang hirap kapag hindi nakontrol ng tao ang kanyang dila at nakapagbitiw siya ng di-magagandang salita. Magsisi man siya’y huli na. Humingi man siya ng paumanhin ay nangyari na ang pinsala.  May kasabihan ang mga Chinese na ang pagsasalita ay katulad ng pagpapakawala sa ere ng mga balahibo ng manok.  Kapag kumalat ang mga balahibo, imposible nang mapulot pa ito nang isa-isa. Kaya kinakailangang pinag-iisiping mabuti ng tao ang anumang kanyang sasabihin bago niya ito bitawan.

May sinasabi ang Bibliya tungkol sa kamandag ng dila. Wika sa Santiago 3: 5-6, “Ang dila ay isang maliit na bahagi ngunit nagyayabang ng malalaking bagay. Tingnan ninyo kung paanong sinusunog ng maliit na apoy ang malaking gubat! At ang dila’y isang apoy. Ang dila na kasama ng ating mga sangkap ay isang sanlibutan ng kasamaan. Dinudungisan nito ang buong katawan, at sinusunog ang pag-inog ng kalikasan, at ito mismo ay sinusunog ng impiyerno.”

Talagang maaari nating buhayin o patayin ang isang tao sa pamamagitan lamang ng ating dila. Mas masakit ang latay ng dila kaysa latay ng latigo.  Ang latigo’y lumalatay lamang sa katawan, ngunit ang dila’y lumalatay sa kalooban, sa puso, at kaluluwa.

Hindi ko talaga maubos maisip kung bakit maraming opisyales ng gobyerno ang napakadaling magpakawala ng masasakit na salita kapag sila’y napupuna sa kanilang ginagawa. Dapat siguro, bawat lingkod ng gobyerno ay sumailalim sa masusing pag-aaral kung paano kokontrolin ang dila, sapagkat tiyak na makatatanggap sila ng kritisismo sa panahon ng kanilang panunungkulan. Ang totoo, kung maayos lamang ang pagtanggap sa kritisismo, makatutulong ito sa kanilang mabuting pamamahala, kaysa pambobola ng mga gusto lamang magpalakas.

Napansin ko, kapag ang isang opisyal ng goyerno’y pinagbibitiw sa tungkulin dahil nasangkot sa kontrobersya, ganito ang karaniwang sinasabi, “I serve at the pleasure of the President.” Tila baga sila’y naglilingkod para sa kasiyahan ng Presidente. Hindi ba dapat sila’y naglilingkod para sa kasiyahan ng mamamayan?

Kung ano ang laman ng puso, siyang sinasabi ng dila. Kaya bago pa ang pagkontrol sa dila, mahalaga na ang paglilingkod-bayan ay nasa kaibuturan ng puso upang walang sinumang lingkod-bayan ang mapagsasabihan na “bayaran.”

 

DENR
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with