EDITORYAL - Linisin ang DPWH
EDITORYAL - Linisin ang DPWH
(Pang-masa) - October 23, 2020 - 12:00am

MAY corruption sa PhilHealth, Bureau of Immigration, Bureau of Customs at pati sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Si President Duterte mismo ang nagsabi na may korapsiyon sa DPWH,

Sa kanyang talumpati noong Lunes, sinabi ng Presidente na talamak ang korapsiyon sa DPWH kung saan, bilyong pondo ang nakukurakot sa mga proyektong pang-imprastruktura. Ang problema raw ay nasa baba. Nangyayari umano ang corruption sa mga projects sa baba. Ganyan daw ang laro sa DPWH, sabi ng Presidente.

Pero nilinaw ng Presidente na hindi si DPWH Secretary Mark Villar ang kanyang tinutukoy na sangkot sa korapsiyon. Mula aniya sa bilyonaryong pamilya si Villar kaya hindi na ito mangungurakot. “Si Sec. Villar, mayaman. Maraming pera, ‘di na kailangang mangurakot. Ang problema talaga ay sa baba,’’ sabi ng Presidente.

May katotohanan ang sinabi ng Presidente na hindi na mangungurakot si Villar sapagkat talagang mayaman ito. Nang kapanayamin ang kalihim sa isang radio program, kung ano ang masasabi niya sa sinabi ng Presidente na talamak ang korapsiyon sa DPWH, sinabi niyang malaking hamon ito sa kanya para pagbutihin pa ang pamamalakad sa tanggapan. Tututukan niya ang mga nangyayaring korapsiyon sa ahensiya. Magiging agresibo umano siya at tatanggap ng mga complaints na may kaugnayan sa katiwalian. Para masimulan ang pagbabago, bumuo agad ng task force si Villar para matutukan ang mga paratang na korapsiyon sa DPWH.

Hindi lamang ngayon umalingasaw ang korapsiyon sa DPWH, noon pa, talagang may nagaganap ng korapsiyon sa ahensiya. Sa report ng Commission on Audit (COA), lumalabas na talamak ang overpricing sa mga proyekto. Sa katunayan, pinababalik ng COA ang higit P431 milyon na patong ng mga contractor sa mga proyekto. Kumakamal ng pera ang mga contractor.

Kapansin-pansin din na may mga kalsadang hindi naman sira o lubak-lubak pero ginigiba na ng DPWH. Maraming ganitong kalsada na maaari pang daanan pero sinisira na. Isang paraan ito para makakamal ng pera ang mga contractor. Kailangang may sirain kahit na buo pa at maari pang gamitin.

Naniniwala kami kay Secretary Villar na malalabanan niya ang korapsiyon sa pinamumunuang ahensiya. Malaki ang aming paniwala na ang mga nangyayaring korapsiyon sa ibaba ay kanyang wawasakin.

 

DPWH
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with