Hindi ako susuko (14)
Ronnie M. Halos (Pang-masa) - October 21, 2020 - 12:00am

KATAS ng duhat ang ginamit ni Reagan sa portrait na pinagagawa sa kanya. Nadiskubre niya na tumatagal pala ang buhay ng katas ng duhat at lalong tumitingkad ang kulay kapag nakatinggal. Hahaluin lang niya nang hahaluin para magpantay ang kulay.

Habang ginagawa niya ang portrait ay hangang-hangang nakamasid ang kanyang tatay. Papunta na ito sa bukid para mag-araro pero kailangan munang pagmasdan ang kanyang ginagawa. Sa ekspresyon ng mukha nito ay hindi pa rin makapaniwala na mayroong kakaibang talento ang anak.

“Ang ganda ng kulay vio­let, Reagan. Bumagay sa mukha ng babae.’’

“Oo nga Tatay.’’

“Asawa ba yan ng nagpapadrowing?’’

“Opo.’’

“Maganda ano?’’

“Opo.’’

“Ano nga palang pangalan ng lalaking nagpadrowing sa’yo.’’

“Hindi ko nga po naitanong. Na-excite kasi ako nang sabihin na babayaran niya ako kahit magkano dito sa dinudrowing ko.’’

“Aba mayaman siguro. E magkano mo naman pababayaran yan?’

“Hindi ko nga alam, Tatay. Bahala na kung magkano ang ibigay niya.’’

“Oo, hayaan mong siya ang magpresyo.’’

“Pinagbubuti ko nga ito Tatay. Kasi kapag nagustuhan niya maaaring magpagawa pa siya at baka mayroon pa siyang mga kakilala na magpapagawa rin.’’

“Oo paghusayan mo. Minsan lang mangyari ang ganyan, kaya dapat pagbuhusan ng galing. Itodo mo na ang husay.’’

“Oo Tatay.’’

“Sige aalis na ako. Ituloy mo na ‘yan para matapos agad.’’

LINGGO. Maaga na namang nagtungo sa simbahan sa bayan si Reagan. Dala na niya ang ginawang portrait. Pumasok muna siya sa simbahan at nagdasal. Humingi ng patnubay sa Diyos sa pinasok na larangan nang pagpipinta.

Nang lumabas siya, nasa may gate na ng simbahan ang lalaking nagpagawa ng portrait.

Nakangiti nang makita siya.

Ipinakita niya ang ginawang portrait.

Hindi makapaniwala   ang lalaki sa napakagandang portrait ng asawa.

(Itutuloy)

 

HINDI AKO SUSUKO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with