Presyo hindi dapat batayan sa pagpili ng bibilhing laptop
(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo (Pang-masa) - October 18, 2020 - 12:00am

KASALUKUYANG bumabaha sa Facebook ang mga binebentang laptop ng iba’t ibang kompanya o indibidwal. Iba’t ibang tatak, iba’t ibang klase. Magkakaiba ang mga presyo,. Merong mura, medyo mura, merong mahal, medyo mahal at napakamahal.

Ang ibang nagbebenta ay lantarang ipinoposte ang kanilang presyo habang meron namang ipi-“pm” na lang sa nagtatanong na kustomer ang halaga. Kadalasan, inilalako nila ang paninda nilang laptop bilang nababagay sa work from home o online classes na isang pagsakay sa sitwasyon sa kasalukuyan na dahil sa pandemya ng COVID-19 ay maraming empleyado ang gumagawa na lang ng kanilang mga trabaho sa bahay gayundin ang mga estudyante na sa bahay din nag-aaral gamit ang mga makabagong teknolohiya tulad ng internet at computer o iPad o smartphone.

Sa panahon ngayon na libu-libo ang nawalan ng trabaho o lumiit ang kinikita, asahan nang mas nakakaakit bilhin ang mas murang computer para makatipid. Pero ano ba iyong murang computer? Sino ba ang ayaw makabili ng computer o laptop na abot kaya ng kanilang bulsa? 

Kalimitang mura iyong mga segunda mano.  May mga naglalako ng laptop na halagang P22,000 halimbawa pero ikinaklasipiko nila itong segunda mano.  Sabagay, napakataas naman talaga ng presyo ng  brand new na laptop na umaabot sa mahigit P30,000 o P40,000 o P60,000. Kaya nakakagulat nga na merong naglalako ng laptop sa halagang P6,000.

Gayunman, tulad sa pagbili ng ibang mga produkto, hindi lang ang presyo ang dapat maging batayan sa pagpili ng bibilhing laptop.  Kailangang tingnan at pag-aralan ang mga specification (specs) ng isang unit tulad ng memory, hard disk, processor,  video, at iba pang component ng isang gadget.

Maaaring sumangguni muna  sa kakilalang may kaalaman sa operasyon ng computer o laptop o magsaliksik hinggil dito. Mas mainam piliin ang merong isa o dalawang taong warranty. Isaalang-alang muna kung saan mo gagamitin ang laptop para matukoy kung ano ang mga kailangan mo rito.

Iwasang magpadala sa mga mumurahing produkto.  Maaari ngang napakamura ng isang laptop pero mabagal naman, madalas mag-“hang”, may mga piyesang malapit nang masira o sirain na pagkaraan ng ilang buwang paggamit na hindi man lang umabot ng isang taon. Mas mapapagastos ka pa sa pagpapagawa kapag nagkadiperensiya.

May mga mumurahing laptop na, kapag may nasirang piyesa tulad ng monitor o screen, hindi na ito mapapalitan dahil sa ibang bansa pa ito nabibili.  Ang iba naman ay hindi compatible ang hardwares nito sa apps o software programme na kailangan mo.

Kung minsan, nakakatulong kung may kakilala ka, kaibigan o kaanak na nagbebenta ng sarili nitong ginagamit na laptop sa mas murang halaga na kaya ng iyong pitaka. Kahit paano, kahit mura, mayroong paniniyak na  matino ito at nasubukan nang gamitin nang matagal.

Sa pangkalahatan, hindi mainam na pagbatayan sa pagbili ng laptop ang presyo nito. Hindi porke mura ay maganda na. At hindi rin garantiya na matino at mapapakinabangan nang matagal ang mahal na laptop. Kahit pa sabihing may warranty.

Paano kung pagkaraang mapaso ang warranty ay saka naman merong lilitaw na problema. Wala ka nang habol. Gagasta ka nang ekstra sa pagpapaayos ng nasirang laptop. Kaya makabubuting pag-aralan muna ang mga specs ng isang unit bago ito patulan. Mas mapapamahal ka pa lalo sa  laptop na nakuha mo sa murang halaga dahil sa magiging gastusin sa pagpapagawa kapag nasira.

Email: rbernardo2001@hotmail.com

 

LAPTOP
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with