EDITORYAL - Mga mali sa learning modules, isaayos agad ng DepEd

INAMIN ng Department of Education (DepEd) na may mga mali sa self-learning modules na ipinagagamit nila sa mga estudyante. Umabot na sa 34 na mali ang nakita sa modules at isinasaayos na umano nila ang mga ito. Kapag naisaayos o naitama na ang mga mali ay magpapaimrinta sila ng mga bagong modules. Mahigpit umano ang pag-monitor ng DepEd makaraang makita ang mga mali

Ayon kay DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio, ang mga nakita niyang mali sa module ay sa multiple choice, paggamit ng mga salita at mga imahe na overstretch. Sinabi rin ni San Antonio na mag-iisyu sila ng erratum kaugnay sa mga pagkakamali sa materials. Tiniyak ni San Antonio na naka-monitor din sila sa errors ng modules na dinisenyo ng kanilang field units na ginamit lamang sa mga piling lugar. Nasa proseso pa umano sila ng pagtukoy sa pinagmulan ng modules na may mali na maaaring ginagamit sa private schools. Iba-iba raw kasi ang may gawa ng modules.

Ilan sa mga nireklamong mali ay ang tungkol sa math subject na mali ang solusyon. Marami ring reklamo sa mga maling spelling at paggamit nang tamang salita. Hindi umano nirebyu ng mga gumawa ang modules at basta na lang ipinamahagi. Hindi rin umano dumaan sa proofreading.

Nararapat na matapos na ng DepEd ang mga pagtatama sa mga maling modules at kung maaari ay rebyuhin para wala nang makalusot. Hindi naman ubrang sabihin na biglaan ang pagkakagawa ng modules kaya may mga mali. Unang pagkakataon ngayon na isinailalim sa distance learning ang pag-aaral ng mga estudyante dahil sa pandemya.

Nararapat din namang maging maingat sa paggamit ng mga salita o pangalan ang mga gumagawa ng modules para hindi na maulit ang nangyari sa Zambales kung saan may modules na gumamit ng mga pangalang bastos. Nasaan na nga pala ang sinabi ng DepEd na iimbestigahan ang pangyayaring iyon. Nasaan na ang guro na gumawa ng mga pangalang bastos sa module? Maaaring maulit ang nangyari kaya dapat maparusahan ang gurong nagsulat ng bastos.

 

Show comments