Titser at magulang ang frontliners ngayon
USAP TAYO - Pastor Joey Umali (Pang-masa) - October 10, 2020 - 12:00am

NANG unang tamaan tayo ng COVID-19, naging sentro ng ating atensyon ang frontliners sa pagsagip sa buhay—ang mga doktor at narses. Nang luwagan ang quarantine, napansin naman natin ang frontliners sa pagsagip sa ekonomiya—ang mga negosyante at mga empleyado.

Nang buksan ang klase noong Oktubre 5, napansin naman   natin ang frontliners sa pagsagip sa edukasyon ng mga kabataan—ang mahigit sa 800,000 mga titser sa buong bansa. Dahil sa pandemya, natutuhan natin ang tatlong mahalagang larangan na kailangang pagbutihin ng gobyerno—ang kalusugan, kabuhayan at edukasyon ng mga mamamayan.

Ayon sa DepEd, umaabot na sa 24.7 milyon ang nakaenrol ngayon sa mga eskwelahan sa buong bansa.  Sa bilang na ito, 22.5 milyon ang nasa 61,923 mga ekwelahang publiko at 2.2 milyon sa mga eskwelahang pribado. Ipinatutupad ng DepEd ang “Blended Learning Approach” na pinaghalong online at face-to-face teaching. May tatlong ginagamit na pamamaraan depende sa sitwasyon ng mga eskwelahan at mga estudyante: Printed self-learning modules, online learning, at TV or radio-based instruction.

Sa ngayon na wala pang face-to-face teaching, madaling maunawaan na ang pinakamalaking hamon ay nasa mga eskwelahang publiko kung saan nag-aaral ang mahihirap na kabataan.  Ang dami pa lamang ng bilang ay isa nang malaking hamon. Tatlong milyon pa ang inaasahang mag-eenrol.

Sa online learning, importante ang pagkakaroon ng mobile phone o laptop ng bawat estud-yante. Sa isang mahirap na pamilya na may tatlo o apat na estudyante, maaaring mag-aagawan sila sa iisang mobile phone at halos imposibleng asahan na may laptop ang pamilyang ito. Kailangan ding badyetan ang load ng mobile phone. 

Isa pang hamon, napakabagal at napakahina ng ating internet connection. Ayon sa isang internet monitoring firm, ang Pilipinas ang may pinakamabagal na internet sa buong mundo. Isang estudyante ang nagsabi na kailangan pa niyang umakyat sa bubungan ng kanilang bahay para lamang makasagap ng signal. Napakalaking panganib nito!

Sa isang public high school sa Caloocan City, nang magsimula ang klase, 45 ang estudyante, ngunit bago matapos ang klase ay 37 na lamang ang natira.  Maaaring ‘yong walo ay nawalan ng signal o kaya’y na lowbat. Paano kung ang titser mismo ang nagkaproblema sa internet connection? Dahil sa ganitong sitwasyon, ano kaya ang magiging kalidad ng edukasyon ng ating mga kabataan?

Mas maraming trabaho ngayon ang mga titser. Kaya hindi totoo ang tinuran ng isang gobernador na masaya ngayon ang mga titser dahil wala silang masyadong ginagawa. Bukod dito, may karagdagang gastos ang mga titser sa mobile phone load at WiFi connection.

May dapat pa tayong banggitin na kasama sa frontliners sa pagsagip sa edukasyon ng mga kabataan—ang kanilang mga magulang. Ang totoo, para na rin silang nakaenrol, sapagkat kailangan silang magsilbing tutor ng mga anak. Paano kung ang magulang mismo ay walang kakayahang mag-tutor dahil mababa lamang ang pinag-aralan o kaya’y kinakailangang maghanap buhay?

Napakarami nating mga tanong, pero wika nga, the show must go in. Magtiwala tayo na may magandang mangyayari. Maging kalakasan natin ang sinabi sa Jeremias 29:11, “’Sapagkat nalalaman ko ang aking mga panukala para sa inyo, sabi ng Panginoon, mga panukala para sa ikabubuti at hindi sa ikasasama, upang bigyan kayo ng kinabukasan at ng pag-asa.”

FRONTLINERS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with