^

Punto Mo

Ikaapat na lawa natuklasan sa Mars

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

NITONG nagdaang linggo, napaulat ang resulta ng pananaliksik ng isang grupo ng mga scientist sa Italy na nagpapalakas sa kanilang kumpiyansa na merong lawa sa ilalim ng niyebeng lupa sa south polar cap ng Mars. Ito ang ikaapat na lawa na natuklasan sa nasabing planeta. Lubha nga lang daw mataas ang konsentrasyon ng asin sa tubig ng lawa na delikado naman sa anumang microbial life pero isang dahilan naman ito para hindi magyelo ang tubig. Ang lawang ito ay napapaligiran ng tatlong maliliit na lawa.

Noon pang 2018 nakasilip ng indikasyon ang mga scientist sa ikaapat na lawa pero ngayon lang ito nakumpirma sa panibagong pag-aaral gamit ang mga datos na ipinapadala sa Daigdig ng radar instrument ng Mars Express spacecraft ng European Space Agency na lumilibot sa orbit ng Mars mula pa noong 2003.

Ang research team mula sa Roma Tre University ay gumamit ng teknik na tulad ng ginawa sa Daigdig sa pagtukoy sa mga lawa sa ilalim ng Antarctic at Canadian Arctic. Pinagbatayan ng kanilang findings ang mahigit 100 radar observation ng Mars Express mula 2010 hanggang 2019.

Sinasabi sa pag-aaral na inilabas sa journal na Nature Astronomy na ang salty underground lake ay may habang 12 hanggang 18 milya (20 kilometro hanggang 30 kilometro) at nakabaon sa ilalim ng maniyebeng lupa sa lalim na isang milya (1.5 kilometro).

Hindi pa tapos ang mga pagsusuring ito sa Mars. Magpapatuloy pa rin ang mga pag-aaral at pananaliksik dito ng mga dalubhasa sa agham, astronomiya at ibang kaukulang larangan. Gayunman, iminumungkahi ng mga researcher na ang nabanggit na rehiyong merong lawa ang unang dapat  target na lapagan ng  mga astronaut na makakarating sa Mars.

Ilang dekada nang isinasagawa ng mga scientist sa mundo ang pag-aaral sa pulang planeta. Mas umiigting pa ito sa mga naoobserbahan at nahihiwatigang tubig at yelo roon na nagbibigay ng senyales na merong mga nabubuhay dito o maaaring mabuhay sa planetang ito. Kaya naman maraming bansa lalo na iyong may mga mauunlad na space program  ang lumalahok sa mga kahalintulad na pananaliksik at pag-aaral at pagpaplano at paghahanda sa pagpapadala ng tao sa planetang Mars.

Kasabay ng mga pag-aaral sa Mars ang mga eksperimento, pananaliksik at pagsusuri sa napakadelikado at napakahabang biyahe  patungo rito. Marami kasing sagabal na kakaharapin sa biyaheng ito tulad ng radiation sa kalawakan, limitadong pangangailangan ng bibiyaheng astronaut tulad ng limitadong suplay ng  tubig at pagkain at  ibang problemang makakaharap sa pagbibiyahe patungo sa Mars.

Nakakapagbigay nga ng pag-asa ang nasisilip na tubig at yelo roon dahil, kung totoo ito, puwedeng mabuhay ang tao sa Mars. Pero ganap lang na makukumpirma ito kung meron nang taong makakatuntong sa pulang planeta at makakarating doon nang buhay at nakaligtas sa mahaba at mapanganib na biyahe patungo roon. 

Email: [email protected]

 

vuukle comment

SCIENTIST

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with