EDITORYAL - Matutuwa ang mga corrupt sa pamahalaan
EDITORYAL - Matutuwa ang mga corrupt sa pamahalaan
(Pang-masa) - September 29, 2020 - 12:00am

LULUBHA pa ang corruption sa mga tanggapan ng pamahalaan dahil sa kautusan ni Ombudsman Samuel Martires na hindi na kailangang isailalim pa sa lifestyle check ang mga public officials. Hindi na raw ito kailangan. Pati ang pag-acces ng publiko sa statement of assets, liabilities and net worth (SALN) ng ranking government officials ay tutol din si Martires.

Mariing sinabi ni Martires na ano raw ba ang paki­alam sa buhay nang may buhay. Sino raw ba tayo para manghusga. Hindi naman daw lahat ng taong gobyerno na nakaaangat sa buhay ay ibig sabihin ay corrupt na. Ano ba ang pakialam kung hindi naman magnanakaw ang inaakusahang public official.

Mula nang italaga si Martires ni President Duterte noong Hulyo 2018, itinigil na niya ang pag-lifestyle check sa mga taong gobyerno. Nag-isyu siya ng memorandum circular ukol dito. Ukol sa SALN, ginagamit lang daw itong sandata para ibagsak ang ilang pulitiko. Ginagamit din daw ito para siraan ang isang kawani o opisyal ng pamahalaan. Hindi na raw kailangan ang SALN para i-prove ang isang iniimbestigahan sa kasong pandarambong.

Nawalan ng dalawang mabisang panlaban sa mga corrupt public officials ang ginawang kautusan ni Martires. Sa halip na dagdagan, inalis pa ang mga ito at tiyak na pabor ito sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan. Hindi na sila hahalughugin kaya malayang makapandarambong nang buong laya. 

Sabi ni Dante Jimenez sa isang radio interview, “Nasira rito ang reputation ng Ombudsman. Mabagal na nga ‘yung imbestigasyon ninyo e bibigyan niyo pa po ng restrictions ang ating mga kababayan.’’

Nakapagtataka talaga ang posisyon ng Ombudsman sa lifestyle check. Habang ang maraming public officials ay gustong magpa-lifestyle check para hindi sila maakusahang sangkot sa korapsiyon, tutol naman dito ang mismong Ombudsman. Ngayong hindi na ito pinapayagan ng Ombudsman, mas lalong malaki ang tsansa na hindi na mahabol ang mga naglustay ng pera ng taumbayan.

Tiyak na matutuwa ang mga corrupt sa Customs, BIR at iba pang tanggapan dahil wala nang lifestyle check. Tuluy-tuloy ang ligaya nila sa pagsasamantala. Kawawa ang taumbayan.

 

CORRUPT
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with