Maari pa bang magdemanda para sa utang na walong taon nang hindi binabayaran?
DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos (Pang-masa) - September 24, 2020 - 12:00am

Dear Attorney,

Noong 2012 ay nanghiram po sa akin ang kaibigan ko ng P100,000 para sa kanyang itatayong negosyo. Dahil may tiwala ako sa kanya ay pumayag ako kahit walang anumang kontrata na nagpapatunay na pinahiram ko siya ng nasabing halaga.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin nababayaran ng aking kaibigan ang hiniram niyang pera. Maari pa rin po ba akong magsampa ng kaso kahit may katagalan na ang kanyang pagkakautang at kahit wala naman kaming kontratang pinirmahan? — Mark

Dear Mark,

Bagama’t lahat ng may pagkakautang ay may obligasyon na magbayad, ang ating batas ay nagtatakda ng prescriptive period o ng panahon kung kailan ang pinagkakautangan ay maaring makapagsampa ng kaso. Kapag lumipas na ang panahong ito at wala pa ring kasong isinasampa ang pinagkakautangan ay mawawala na ang karapatang ito.

Nabanggit mong walang kahit anong kasulatan ang inyong naging kasunduan sa pagpapahiram ng pera sa kanya. Masasabing isang oral na kontrata ang inyong pinasok at ayon sa Article 1145 ng Civil Code ay may anim na taon ang mga partido na maghabla base sa nasabing kasunduan.

Base sa nasabing probisyon ay maaring napaso na noon pang 2018 ang iyong karapatang magsampa ng kaso laban sa iyong kaibigan ukol sa kanyang pagkakautang.

Ngunit ito lamang  ay kung hindi ka naningil kailanman simula noong 2012. Sinasabi kasi sa Article 1155 ng Civil Code na suspendido ang pagpatak ng prescriptive period sa puntong naningil na ang pinagkakautangan sa pamamagitan ng isang kasulatan o demand letter. Maari ring tumigil ang pagtakbo ng prescriptive period kung gumawa ng kasulatan ang may utang kung saan inaamin niya ang kanyang pagkakautang.

Kaya kung nakapagpadala ka ng demand letter sa iyong kaibigan o kung nakatanggap ka ng anumang kasulatan mula sa kanya kung saan inaamin niya ang pagkakautang sa iyo bago napaso ang prescriptive period noong 2018 ay may karapatan ka pa ring magsampa ng kaso upang mabawi ang halagang ipinahiram mo.

BUSINESS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with