EDITORYAL - Kamay na bakal sa magtatapon ng basura sa Manila Bay
EDITORYAL - Kamay na bakal sa magtatapon ng basura sa Manila Bay
(Pang-masa) - September 21, 2020 - 12:00am

PINAGAGANDA ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Manila Bay. Ginastusan ng P389 million ang paglalatag ng puting buhangin na nanggaling pa sa Cebu. Kamakalawa, ipinakita na sa publiko ang magandang dalampasigan at marami ang humanga. Hindi na raw nila kailangan pang magtungo sa Boracay para makakita ng puting buhangin. Maraming dumagsa sa dalampasigan at ang iba ay nag-selfie pa.

Habang ipinakikita sa mga tao ang magandang dalampasigan, nagsasagawa naman ng clean-up ang Metro Manila Development Authority sa di kalayuan. Pinupulot ang mga basurang inaanod na karamihan ay plastic. Kung hindi pupulutin, tiyak na hahantong sa bagong tambak na puting buhangin ang mga basura. Masisira ang magandang tanawin kapag hindi inalagaan ng pagpulot sa mga inaanod na basura. Ang pinagkagastusan nang malaki para sa beautification ay masasayang lang dahil sa mga basura. Karaniwang supot na plastic, grocery bags, sache ng 3-in-1 coffee, catsup, shampoo, toothpaste, at iba pang basura na hindi nabubulok ang itinapon sa Manila Bay.

Maraming probinsiya at siyudad ang nakapaligid sa Manila Bay – Maynila, Cavite, Paranaque, Navotas, Valenzuela, Bataan at iba pa. Posibleng galing sa mga nabanggit na lugar ang mga basura. Tiyak na pinakarami ang nanggaling sa Maynila. Lahat nang basurang itinapon sa mga estero sa Maynila ay tatangayin sa Manila Bay. Karamihan sa mga nagtatapon ng basura ay informal settlers o mga iskuwater, deretso sa estero ang kanilang basura.

Ang kawalan ng disiplina ng mamamayan sa pagtatapon ng basura ang nararapat namang pagtuunan ni DENR Sec. Roy Cimatu. Masasayang lamang ang pagpapaganda sa Manila Bay kung walang kontrol ang pagtatapon ng basura. 

Natatandaan namin na noong nakaraang taon nagbabala si Cimatu sa mga walang disiplinang nagtatapon ng basura. Nagsalita siya sa isang forum at sinabi niyang tapos na ang araw ng mga gumagawa ng krimen laban sa Inang Kalikasan. Tutuldukan na raw niya ang pag-abuso sa kalikasan sapagkat mahigpit niyang ipatutupad ang environmental laws at mga ordinansa. Pero makalipas ang kanyang pagbabanta, wala pa ring nakitang pagbabago at lalo pang dumami ang mga nagsasalaula sa kapaligiran. Marami pa rin ang walang disiplina sa pagtatapon ng basura.

Kailangan nang gumamit ng ‘‘kamay na bakal’’ sa mga nagtatapon ng basura. Gawin ito ni Cimatu para di masayang ang sinimulan.

MANILA BAY
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with