^

Punto Mo

Sikreto ng kaligayahan: Itinuro ng COVID-19 pandemic

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MARAMING pinsalang idinulot ang COVID-19 pandemic. Kaydaming nagkakasakit at namamatay. Bumagsak ang ekonomiya. Pero may idinulot din namang kabutihan.  Isa rito’y ang pagbabago sa ating pananaw at mga bagay na pinahahalagahan. Nang magkaroon ng lockdown at ipagbawal ang mass gathering, napatunayan natin na wala palang kuwenta ang sangkatutak na damit at alahas kung hindi naman maisusuot; wala palang silbi ang iba’t ibang sasakyan kung hindi  naman magagamit.

Ibinalik tayo ng COVID-19 pandemic sa mga sinaunang kaisipan tungkol sa sikreto ng kaligayahan na bago maganap ang pandemyang ito’y napakahirap paniwalaan dahil sa pangi-ngibabaw ng materialist philosophy na laging nagbibigay ng bigat at halaga sa mga materyal na bagay na tulad ng dami ng ari-arian, lawak ng kapangyarihan at popularidad. Napapatunayan natin ngayon na tama ang sinaunang kaisipan.

Pag-usapan natin ang kaisipan ng tatlong Greek philosophers, sina Socrates, Plato at Aristotle. Naniniwala si Socrates na ang sikreto ng kaligayahan ay hindi nakadepende sa dami ng ari-arian, kundi sa kapasidad na ma-enjoy ang kakaunti at tinatawag na simple pleasures. Ngayon, ang pinag-uusapan ay hindi na ang pamamasyal kung saan-saang bansa, kundi ang pagtatanim ng kung anu-anong halaman. Ang in ngayon ay hindi na ang mga jetsetters, kundi ang mga plantita at plantito. Ngayon ay nakakahiya  ang magarbong handaan sa kasalan at birthday. Naging virtual at exclusive na lamang sa pamilya ang mga ganitong selebrasyon.

Para kay Plato, ang kaligayahan ay nagmumula sa kasiyahan sa maliliit na personal achievements na tulad ng mas maraming librong nabasa sa taong ito kaysa nakaraang taon.  Ngayon, maraming misis ang ipinagmamalaki ang naimbentong mga bagong putahe, samantalang maraming mister ang tuwang-tuwa dahil nakabuo ng plant boxes.

Si Aristotle ay naniniwala na anumang ginagawa ng tao ay dapat magbunga ng intrinsic goods na tulad ng kalusugan, pagkakaibigan, kaalaman at pag-ibig. Ang mga ito ang pinagmumulan ng kaligayahan. Kaya’t ang kaligayahan ay nagmumula sa loob at hindi sa labas. Hindi ba ngayon higit nating pinahahalagahan ang kalusugan kaysa kayamanan, ang pagkakaibigan kaysa kapangyarihan, ang kaalaman kaysa katanyagan, at ang pag-ibig kaysa pagkamuhi?

Binuod ni Apostol Pablo ang kaisipan nina Socrates, Plato, at Aristotle. Sa Filipos 3:12 ay ganito ang sabi niya, “Alam ko kung paano maghikahos; alam ko rin kung paanong managana; natutunan ko na ang sikreto kung paano masiyahan sa anumang kalagayan sa buhay, ang mabusog o ang magutom, ang managana o ang maghirap.” Pero pagkatapos, inihayag ni Pablo ang sikreto kung paano niya ito nagagawa. Sabi niya sa talata 13, “Ang lahat nang ito’y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Kristo.”

Si Kristo ay nagbigay sa sangkatauhan ng kakaibang depinisyon ng kaligayahan na lumulutang ngayon sa harap ng krisis. Ayon sa Kanya, ang mga tunay na maligaya ay ang mga taong pinagpala ng Diyos, sapagkat wala silang ibang inaasahan kundi ang Diyos, nagdadalamhati,  mapagpakumbaba, may matinding hangaring sumunod sa kalooban ng Diyos, mahabagin, may malinis na puso, at gumagawa ng paraan para sa kapayapaan.

Mapanganib ang ating panahon.  Madaling mahawahan ng COVID-19.  Madaling makaranas ng depression o kawalang-pag-asa. Ngunit madali ring lumigaya, sapagkat itinuro sa atin ng pandemya ang sikreto ng kaligayahan.

vuukle comment

COVID-19

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with