^
EDITORYAL - Bakit nagpupumilit sa PPE na gawang China?

EDITORYAL - Bakit nagpupumilit sa PPE na gawang China?

(Pang-masa) - September 3, 2020 - 12:00am

LAHAT ay gawa sa China. Pati ang personal protective equipment (PPE) ng health frontliners ay pawang made in China. Maski ang face shields na ngayon ay obligadong magsuot ang lahat kapag nasa pampublikong sasakyan, malls at palengke ay made in China rin. Wala bang made in Philippines? Sa China na nga nagmula ang COVID-19 pandemic pati ba naman PPEs, sa kanila pa rin galing.

Subalit mahina ang kalidad ng PPE na gawang China. Madaling masira ang mga ito. Halimbawa ang gown at masks. Ayon sa report, isinusuot pa lang ng frontliners ang gown niya ay nawawarat na. Mayroong pilipit ang pagkakagawa kaya kapag isinuot ay nasisira. Ganundin umano ang face masks na mada-ling mapatid ang tali na nakasabit sa taynga.

At sa kabila na mahinang klase ang mga PPE na made in China, ang gobyerno ay patuloy naman sa pag-angkat ng mga ito. Kailangang-kailangan kasi ng frontliners para maprotektahan ang sarili sa virus. At isa pang nakadidismaya, mahal ang presyo ng PPEs na made in China. Nagbayad nang mahal pero madali namang masira.

Kulang na kulang ang PPEs ng medical frontliners. Dahil walang maipalit, ginagamit uli nila ang gowns, gloves, masks at mga cover sa sapatos kahit na ang order sa kanila ay isang beses lang itong gagamitin at dapat nang ibasura.

Pero ano ang magagawa ng frontliners? Wala na silang ipampapalit. Kulang ang suplay lalo na sa government hospitals. Ang ibang health workers, bumibili para sa sarili nila. Kaysa raw maghintay sa suplay ng ospital, sila na lang ang kusang bumibili gamit ang sariling pera.

Maaari namang gumawa ng sariling PPEs ang bansa at baka mas matibay pa sa gawang China. Sabi ng Confederation of Philippine Manufacturers of PPE (CPMP), handa silang gumawa at magsuplay ng PPE para sa frontliners pero wala raw demand na galing sa pamahalaan. May sentimiyento ang mga manufactu-rers sapagkat patuloy ang pag-import ng PPE sa China.

Sabi naman ni Health Undersecretary at spokesperson Maria Rosario Vergeire, sa ilalim ng ratified version ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2, ang local manufacturers ng PPE ang prayoridad.

Itigil na ang pagbili ng PPE sa China at tangkilikin ang gawang Pinoy na mas matibay at mas mura pa. Makakatulong ito sa pagkakaroon ng trabaho ng mga Pinoy. Maraming nawalan ng trabaho dahil sa pandemya. Unahin ang PPE na gawa ng mga Pinoy at suplayan ang health frontliners. Uusad ang ekonomiya sapagkat ito ang kailangan ngayon. Magising sana ang pamahalaan ukol dito. Huwag ipilit ang made in China.

 

PPE
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with