^

Punto Mo

Ang babae sa aparador (136)

Ronnie M. Halos - Pang-masa

HINDI makapaniwala si Ziarah sa narinig kay Jonas.

Nakikipagbalikan daw dito ang dating siyota na si Kat. Humihingi raw ng tawad.

Pagkaraan ng mga nangyari na binugbog ng kasama nitong lalaki si Jonas ay parang walang anumang makikipagbalikan?

“Kausap ko kanina sa phone si Kat. Umiiyak pa nga habang nagsasalita. Pa­tawarin ko na raw siya. Hu­mihingi ng isa pang pagkakataon. Puwede raw bang kalimutan ko na ang mga nangyari at ibalik namin ang dating pagmamahalan. Iyak nang iyak si Kat...’’ sabi ni Jonas na halatang nasisiyahan sa nangyaring pagtawag ni Kat.

Nagpatuloy si Jonas at wala namang magawa si Ziarah kundi ang makinig. Baka naman kung ano ang isipin ni Jonas kung hindi siya makikinig.

Pero sa totoo lang, gimbal si Ziarah at talagang hindi niya inaasahan ang balitang iyon.

Ang akala niya, wala na talaga at nalimutan na ni Jonas ang walanghiya at malanding babae.

Bumabalik pala!

“Nagulat talaga ako sa pagtawag ni Kat, ha-ha-ha! Nasorpresa ako. Akala ko ay kung sino na hindi ko agad na-recognize ang boses. Pero nang tumagal, nakilala ko rin. Kahit humihikbi e nalaman kong si Kat. Medyo paos pa nga ang boses. Siguro’y dahil sa kaiiyak.

“Iniwan na raw siya ng lalaki – ‘yung lalaking nambugbog sa akin. Pati raw siya ay binugbog din. Nagkapasa raw siya sa mukha at braso. Mayroon na palang ibang babae ang lalaki. Pinagsawaan lang daw siya. Pagkatapos magsawa ay humanap ng iba.

“Ang masaklap pa raw ay natangayan siya ng pera. Natalo raw sa casino at ang pera niya ang inubos ng walanghiya. Lahat daw ng savings niya ay tinangay ng hayup na lalaki…’’

Tumigil sa pagku­ku­wento si Jonas. Huminga nang ma­lalim.

Saka nagpatuloy.

“Naaawa ako kay Kat. Parang nabagbag ang loob ko nang sabihing may pasa siya sa mukha at braso. Grabe pala talaga ang hayup at pati babae ay hindi na iginalang. Sobra na talaga ang kawalanghiyaan ng lalaki. Ang masaklap pa, ninakawan pa siya. Kawawa si Kat.’’

Saka lamang nakapagsalita si Ziarah.

Tinanong niya si Jonas.

“Patatawarin mo si Kat, Kuya?’’

Napatingin nang makahulugan si Jonas kay Ziarah.

(Itutuloy)

vuukle comment

ANG BABAE SA APARADOR

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with