Hamon ng puti at itim: Simulain o katuwaan?
(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo (Pang-masa) - August 2, 2020 - 12:00am

NAUUSO sa kasalukuyan sa social media ang black and white challenge. Paparami nang paparami ang nagpo-post ng kanilang mga  litrato na itim at puti sa Instagram o Facebook. Meron na umanong 3.7 milyong puti at itim na larawan ang nakaposte sa Instagram gamit ang hashtag #challenge accepted.  Sikat man, kilala o ordinaryong tao ay nagpo-post ng kanilang larawang  walang kulay.

Bagaman karaniwang nakasaad sa caption ng mga nagpoposte ng kanilang black and white selfie photo na challenge accepted, wala nang nagpapaliwanag kung bakit.

Ipinahihiwatig sa ilang ulat na ang black and white challenge na ito ay isang uri ng simulain na nagbibigay ng suporta sa mga kababaihan lalo na sa mga biktima ng karahasan. Isang hangarin na bigyan ng lakas ang kababaihan.  May impormasyon din na hango rin umano ito sa isang kampanya na sumusuporta sa mga maysakit na kanser.

Walang malinaw na detalye kung paano nagpasimula at sino ang nagpasimula ng black and white challenge na ito. Parang singaw na bigla na lang nagsulputan sa social media. May mga nakigaya, nakiuso o nakisakay. May mga nagkokomento na isang katuwaan lang ito. At may mga lalaki rin na nakigaya at nagpopost ng kanilang itim at puting litrato kaya hindi na solo ng kababaihan ang hamon.

May kalituhan nga lang dahil walang mababasang paliwanag ng mga nagpopost ng ganitong litrato maliban sa “challenge accepted.” Hindi masasabing sa Pilipinas lang ito nangyayari dahil nauuso rin ito sa ibang bansa batay sa mga lumalabas na mga litrato sa social media. O baka nga tila katuwaan lang na magpakita ka ng iyong itim at puting litrato. Katuwaang hindi na kailangang ipaliwanag o idetalye.

Maaaring nagpapadagdag sa kilig ng katuwaang iyon ang nakasanayan na nating mga larawang may kulay sa ating makabagong panahon. Nakakapagpagunita rin ito sa lumang panahon noong mas malaganap pa ang mga litratong puti at itim o sepia. Panahon pa iyon ng mga lolo at lola ng lolo at lola natin partikular noong ika-19 na siglo. Nakakapagpaalala rin siya kung gaano na ang layo ng narating ng teknolohiya patungkol sa litrato pati na sa mga pelikula.

Pero, dahil na rin marahil matagal na tayong nasanay sa mga litratong may kulay lalo na kung sa social media gagamitin, nagmumukhang kakaiba o kakatwa ang litratong walang kulay. Parang naging naiiba sa karaniwan sa kasalukuyang panahon. Kaya madaling kagatin ang naturang black and white challenge. Wala naman kasing masama kung makisakay sa ganitong hamon pero mas mainam marahil kung aalamin ang dahilan ng ganitong hamon kung meron mang dahilan ito. Pero, dahil nga hindi gaanong lantad kung paano o sino ang nagsimula nito, hindi na nakakapagtaka kung lalabas na isa na lang itong katuwaan.

Email: rmb2012x@gmail.com

 

SOCIAL MEDIA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with