Ang babae sa aparador (110)
HABANG nasa classroom at nagli-lecture ang instructor, hindi mapakali sa pagkakaupo si Ziarah. Nagsisisi siya kung bakit pumayag sa anyaya ni Joshua na kumain sila mamaya dahil birthday nito.
Hindi niya naisip na kailangang umuwi agad siya sa bahay dahil walang kasama si Jonas. Hindi pa ito ganap na magaling at nahihirapan pang kumilos.
Sinisisi niya ang sarili kung bakit pumayag agad sa anyaya ng asungot na si Joshua.
Kung tumanggi kaya siya mamaya paglabas ng klase at sabihin niyang may emergency sa bahay at kailangan siyang umuwi agad.
Baka pumayag ang asungot.
Sinulyapan niya si Joshua na nasa hanay din ng kinauupuan niya. Nakatingin din pala ang asungot sa kanya at nakangiti. Nag-thumbs up pa ito na ibig sabihin ay tuloy ang pagkain nila ng meryenda.
Hindi naman siya makasagot ng hindi.
Binawi niya ang pagkakatingin kay Joshua. Baka akalain pa ng asungot na may gusto rin siya. Lalo pa’t pumayag siya sa anyayang kumain.
Kung minsan may katangahan din siya. Hindi muna nag-iisip. Payag agad nang payag!
Napahinga siya nang malalim.
Ano kaya ang gagawin niya mamaya? Kailangang makauwi siya nang maaga. Kawawa naman si Jonas. Baka magutom e walang kakainin sa hapunan.
Bigla siyang napatuwid nang upo nang tawagin ng instructor para sa recitation. Tinanong siya sa history ng computer at kung sino ang unang nakatuklas.
Tumayo at maliwanag na sinagot ang tanong.
“Sir, Charles Babbage, invented the first computing device. He is a English mechanical engineer and polymath and originated the concept of a programmable computer. He is considered the “father of the computer”, after he conceptualized and invented the first mechanical computer in the early 19th century.”
“Very good Miss Ziarah. By the way, why are you absent last session?’’
“Sir nagkaroon po ng emergency. Naaksidente po ang amo kong lalaki at ako po ang nagbantay. Kasambahay po ako Sir.’’
“Ah, okey.’’
Naupo na si Ziarah.
Nakatingin naman ang iba pa niyang classmate na humahanga sa kanya. Nalaman na ng mga ito na kasambahay siya at sa kabila niyon, nag-aaral siya. Puwedeng magsumikap para maabot ang pangarap kahit pa isang maid.
Nang matapos ang klase, nilapitan agad siya ni Joshua.
“Tena Ziarah.’’
‘‘Joshua puwede ba sa sunod na lang. Kasi’y nag-text ang amo ko, kailangang umuwi agad ako.’’
‘‘Sandali lang tayo. Birthday ko lang. Isa pa pumayag ka na.’’
Walang nagawa si Ziarah.
Sa isang restaurant sa tapat ng school sila nagtungo.
Umorder ng pagkain si Joshua. Maraming inorder. Hindi naman mapakali si Ziarah.
‘‘Salamat at pumayag ka Ziarah.’’
‘‘Ngayon lang ito at para hindi mo na ako kulitin.’’
Nagtawa si Joshua.
(Itutuloy)
- Latest