^

Punto Mo

Balik-Balik Series: Pagbabalik-loob sa Diyos

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MAY isang kapansin-pansing nangyayari ngayon, hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo. Ito’y ang pagbabalik-loob ng mga tao sa Diyos. Libu-libo ang mga views sa mga pagsambang ipinalalabas sa Facebook at iba pang social media platforms. Ngunit higit sa lahat, naging madasalin ngayon ang mga tao dahil sa sobrang takot sa COVID-19. Sino ba naman ang hindi matatakot?  Labindalawang milyong tao na mula sa 213 mga bansa ang tinamaan ng COVID-19, mahigit nang kalahating milyon ang namamatay, pinakamarami sa pinakamakapangyarihang bansa sa mundo, sa US.

Naghahari ang takot kapag hindi na natin kontrolado ang mga bagay-bagay. At kapag pinangibabawan tayo ng matinding takot, naaalala natin ang Diyos. Ang madalas nating marinig na pangungusap ngayon ay “manalangin ka lang.” Wika ni Dr. Hugh Ross, isang astrophysicist, “Dahil sa panalangin, nalalakbay natin ang sansinukob upang marating ang kinaroroonan ng Diyos. Dahil walang hangganan ang nararating ng panalangin, ito ang pinakamakapangyarihang kakayahan na ipinagkaloob ng Diyos sa tao.”

Makapangyarihan ang panalangin, sapagkat may makapangyarihang Diyos na dumirinig ng ating mga panalangin. Ibig sabihin, ang panalangin ay hindi magic, ang panalangin sa kanyang sarili’y walang bisa. Ang panalangin ay magiging mabisa lamang para sa isang taong may lubos na pananampalataya sa Diyos.

Minsan, isang babaing 12 taon nang dinudugo ang gumaling nang mahipo ang laylayan ng damit ni Hesus. Sabi ni Hesus sa babae, “Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Hindi ang paghipo sa laylayan ng damit ni Hesus ang nagpagaling sa babae, kundi ang kanyang pananampalataya na mapapagaling siya ni Hesus.

Kaya para maging mabisa at dinggin ng Diyos ang iyong panalangin, kailangang manalangin ka nang walang pag-aalinlangan.  Kapag nanalangin ka nang mataimtim, angkinin mong dininig na ng Diyos ang iyong panalangin. Pero tandaan mo, ang sagot ng Diyos na “hindi” ay kasing-timbang din ng sagot na “oo.” Puwede ring ang sagot ay “maghintay ka.”  Isa sa mataas na sukatan ng pananampalataya ay ang katiyagaang maghintay.

Mahalaga ring maunawaan ang kahulugan ng pananampalataya batay sa depinisyon ng Bibliya. Ayon sa Hebreo 11:1, “Ang pananampalataya ay katiyakan na mangyayari ang ating mga inaasahan, at paninindigan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita.” Ang pananampalataya’y kasingkahulugan ng “sigurado” at hindi “baka-sakali.” May kasabihan na, “To see is to believe.” Pero sa pananampalataya ay baliktad, “To believe is to see.”  Kapag sumasampalataya ka, nakikita mo ang mga bagay na hindi nakikita ng mga mata.

Samakatuwid, hindi lamang basta panalangin ang kailangan, kundi panalanging may pananampalataya; panalanging tumitiyak na mangyayari ang iyong mga inaasahan. At panalanging sinasambit sa pangalan ni Hesus. Sabi ni Hesus sa Juan 14:14, “Kung hihiling kayo ng anuman sa pangalan ko, ito ay aking gagawin.”

Umasa ka na matatapos din ang COVID-19 pandemic.  Umasa ka na makakatuklas din sa lalong madaling panahon ng bakuna laban sa coronavirus. Umasa ka na makakaahon ka rin sa hirap. Umasa ka na hindi pababayaan ng Diyos ang Pilipinas.  Umasa ka sa pamamagitan ng mataimtim na panalangin na may Diyos na gagawing totoo ang mga bagay na iyong inaasahan.

Ang COVID-19 pandemic ay pumatay na nang maraming buhay. Ngunit sa kabilang banda, ito rin ang naging dahilan upang mabuhay ang pananampalataya ng marami sa iisang Diyos na may kapangyarihang duminig ng mga panalangin. 

vuukle comment

COVID-19

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with