EDITORYAL - Pagbayarin, bumangga sa 14 na mangingisdang Pinoy
EDITORYAL - Pagbayarin, bumangga sa 14 na mangingisdang Pinoy
(Pang-masa) - July 2, 2020 - 12:00am

HANGGANG ngayon hindi pa natatagpuan ang 14 na mangingisdang Pinoy matapos tumaob ang kanilang bangkang pangisda matapos banggain ng Hong Kong cargo vessel noong Sabado ng madaling araw sa Mamburao, Occidental Mindoro. Pagkatapos banggain ng MV Vienna Wood ang FV Liberty 5 na sinasakyan ng mga Pinoy, tumakas ang mga ito at hindi man lang tinulungan ang kanilang nabangga.

Halos mag-uumaga na nang makatanggap ng tawag ang Philippine Coast Guard sa pangyayari kaya mabilis nilang tinungo ang lugar. Pero ang nakita na lamang nila ay ang mga lulutang-lutang na banyera na lalagyan ng isda. Wala silang nakitang mangi-ngisda sa lugar. Hanggang sa kasalukuyan patuloy pa rin ang search and rescue operations sa lugar.

Natagpuan naman ang nakabanggang barko sa Batangas at pinigil na ng PCG. Ininspeksiyon na nila ang barko at nakita ang mga bakas ng bangga sa unahang bahagi. Nagpapatunay lamang na ito ang bumangga sa Liberty 5.

Hindi dapat hayaang makaalis ang barko at ang kapitan at mga tripulante nito. Dapat silang pagbayarin sa ginawa nilang pagbangga at pag-iwan sa mga ito. Hindi nila dapat iniwan ang mga kawawang Pinoy na nasa panganib ang buhay. Dapat silang panagutin.

Halos ganito rin ang nangyari noong nakaraang taon nang banggain ng Chinese vessel ang bangkang pangisda rin ng mga Pinoy na Gem-Vir 1 sa Recto Bank. Nangyari ang insidente noong Hunyo 11, 2019. Pagkaraang banggain, tumalilis ang barko ng China habang unti-unti namang lumulubog ang Gem-Vir na may 22 mangingisdang Pinoy. Nasagip ang 22 Pinoys ng mga mangingisdang Vietnamese. Sabi ng kapitan ng Gem-Vir, sadya silang binangga ng Chinese vessel. Nawasak ang unahang bahagi ng bangka. Sa lakas ng pagbangga, tumilapon ang mga crew ng Gem-Vir at nagdulot ng trauma.

Nagkaroon ng imbestigasyon sa pangyayari at ma­buti na lamang at nagbayad ang may-ari ng Chinese vessel sa mga mangingisda. Binayaran ang danyos at pinalitan ang nasirang bangka.

Ang nangyari sa Liberty 5 ay mas matindi sapagkat nawawala ang 14 na mangingisda. Hindi dapat tumigil ang pamahalaan para mapanagot ang may-ari ng MV Vienna Wood. Dapat isilbi ang hustisya sa pangyayari.

PINOY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with