EDITORYAL - Bigyang ayuda ang jeepney drivers
(Pang-masa) - July 1, 2020 - 12:00am

PINAYAGAN nang makapasada ang may 900 UV Express noong Lunes. Lahat nang unit ay kaila­ngang nakasunod sa mga alituntunin na ipinatutupad gaya ng physical distancing. Nilagyan ng plastic na harang ang mga upuan para hindi dikit-dikit ang mga pasahero. Kailangan ay may alcohol o sanitizers na nakahanda ang driver para sa pasahero.

Nakangiti nang bahagya ang UV Express drivers dahil kahit paano kikita na sila. Mayroon na silang maiuuwi sa pamilya. Makakatulong din ang pagpa­sada nila para maibsan ang hirap na dinaranas ng mga commuter na walang masakyan sa pagpasok at pag-uwi. Hindi sapat ang mga bus na pinayagang ma­kabiyahe sa rami ng commuters. Ang Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) ay may isang buwan nang bumibiyahe pero hindi rin sapat sapagkat ipinatutupad din ang physical distancing. Bawal ang siksikan at hindi na puwede ang nakatayo.

Bumibiyahe na lahat ang mga pampublikong sasakyan maliban na lamang sa dyipni. Bawal pa ang mga dyipni dito sa Metro Manila pero sa mga probinsiya ay pinapayagan na. Sabi ng LTFRB, inaayos pa umano ang mga ruta ng dyipni. Ang tanging bumibiyahe ay mga ‘‘modernong dyipni’’ na hindi naman matatawag na dyipni kundi mini-van. Ito ang sinasabing kapalit ng mga tradisyunal na dyipni.

Nakalilito ang mga pahayag ng LTFRB sapagkat ang sabi nila kapag kinulang ang mga bus ay saka lamang papasada ang mga dyipni para pangsuporta. Kahapon, sinabi nila na papayagan na raw makabiyahe ang mga dyipni sa Biyernes. Pero wala pa ring linaw ang pahayag. Duda ang mga operator at driver ng dyipni kung makakapasada pa sila. Palagay nila, ipatutupad na ang “jeepney modernization” kung saan ang mga bulok na dyipni ay bawal nang pumasada. Dapat noon pang nakaraang taon ipinatupad ang modernisasyon subalit pinagpaliban sa Disyembre 2020. Pero ngayong nanalasa ang COVID-19 at pinagbawal ang PUVs, nakakita ng butas ang LTFRB na ipatupad ang modernisasyon.

Dapat tapatin na ng LTFRB o DOTr ang mga ope­rator at dyipni na hindi na sila makakapasada. Kung hindi na, ayudahan ang mga ito para hindi magpalimos. Bigyan ng ibang pagkakakitaan ang mga driver para hindi sila magutom at kanilang pamilya. Kawawa naman sila.

JEEPNEY DRIVERS
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with