EDITORYAL - Walang masakyan
(Pang-masa) - June 3, 2020 - 12:00am

DALAWANG araw nang ipinatutupad ang general­ community quarantine (GCQ) sa Metro Manila at katulad sa naranasan noong Lunes na balik-trabaho na ang mga manggagawa, marami pa rin ang stranded sa kalye dahil sa kakulangan ng masasak­yan. Kahapon, marami pa rin ang hindi nakasakay sa iilang bus na bumiyahe. Pawang Point to Point buses ang bumibiyahe at dahil sa rami ng commuters, kulang na kulang ang mga ito. Limitado rin ang laman ng mga ito dahil sa ipinatutupad na social distancing. Pinayagan na ring makabiyahe ang mga taxi at TNVS. Ang Metro Rail Transit (MRT), Light Rail Transit (LRT) at Philippine National Railways (PNR) ay balik operasyon na noong Lunes subalit limitado ang sakay. Hindi pinapayagan na mamutiktik sa pasahero ang mga train upang maiwasan ang paghahawahan ng virus.

Dahil kulang na kulang ang sasakyan, marami rin namang mabubuting puso na pinasasakay ang mga stranded na pasahero. Sa Commonwealth Ave. isang pick-up truck ang nagmagandang loob na pina­sakay ang mga stranded. Lundagan sa pick-up ang commuters na pawang mga lalaki. Hindi na nasunod ang social distancing sapagkat ang nasa isip nila ay kailangang makasakay para makarating sa trabaho. Kung hindi makikipag-agawan sa pagsakay, impo­sibleng makarating sa pinagtatrabahuhan. Ang kawawa ay ang mga babae na hindi magawang makipagbalyahan at makasampa sa truck.

Mayroong mga truck ng AFP at PNP na duma­ting at nagsakay ng mga stranded pero tanghali na ang mga ito at hindi rin naging sapat sa rami ng mga natambak na pasahero sa kalsada. Mukhang hindi napaghandaan ng Department of Transportation (DOTr) ang sitwasyon nang pagdagsa ng mga tao nga­yong nasa GCQ ang Metro Manila. Sana mayroon din silang naihandang alternatibong ma­sa­­sakyan ang mga tao para hindi naman naging kawawa.

Inaasahan na magpapatuloy pa ang kalbaryo ng commuters hangga’t hindi pa pinapayagan ang mga dyipni at bus na bumiyahe. Sabi ng DOTr, maaaring sa Hunyo 22 pa papayagang makabiyahe ang mga dyipni at bus.

Nararapat maglaan ang DOTr ng mga masasak­yan ng stranded para naman mabawasan ang kani­lang kalbaryo. Tiyak namang alam nila na ganito ang mangyayari kapag nawala ang mga pampublikong sasakyan.

 

COMMUNITY QUARANTINE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with