^

Punto Mo

Corruption, mas malala pa kaysa coronavirus

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

SA harap ng matinding kahirapang dala ng COVID-19, naka­lilikha ng magkahalong galit at pangamba ang sinasabing posib­leng corruption o overpricing sa pagbili ng mga COVID test kits at personal protective equipment (PPE) at sa pamamahagi ng social amelioration program (SAP) sa pamamagitan ng cash assistance.

Ang corruption ang pinakamatinding virus na matagal nang tumama sa Pilipinas, at ito’y mas malala pa kaysa coronavirus. Madali­ rin itong makahawa at talagang deadly, nakamamatay. Noong nakaraang taon, ayon sa Transparency International, lalo pang lumala ang corruption sa Pilipinas­. Sa 180 bansa, ang Pilipinas ay nasa rank 113 sa tinatawag na corruption index. Ang ranking­ ay base sa scale na zero na hindi pinaka-corrupt hanggang 100 na pinaka-corrupt. Ibig sabihin, mas mababa ang score, mas malala ang corruption. Ang score ng Pilipinas ay 34, kumpara sa mga sumusunod sa Asia: China, 41; Indonesia, 40; at Vietnam, 37. Ang Pilipinas ang pang-anim na pinaka-corrupt na bansa sa Asia Pacific. Narito ang score ng mga bansang may pinakamababang corruption: New Zealand at Denmark, 87; Finland, 86; Singapore, Sweden at Switzerland, 85.

Ayon kay Deputy Ombudsman Cyril Ramos, P700 bilyon bawat taon, humigit-kumulang ay 20 porsiyento ng budget ng gobyerno, ang nawawala dahil sa corruption. Sa halagang ito’y kaya na raw pakainin ang lahat ng mga Pilipino. Ibig sabihin, kung walang corruption sa gobyerno, walang Pilipinong magugutom. Hindi kayang daigin ng COVID-19 ang pinsalang dulot ng corruption sa kalusugan ng mamamayan at sa ekonomiya ng bansa.

Ang corruption ay nangyayari dahil sa sistema ng lagayan, palakasan, nepotism, political patro­nage at mga under the table na usapan. May nagsabi na sa Pilipinas, ang usapan ay hindi lamang under the table, kundi over the table, at ‘yong iba’y including the table. Naging bihasa ang mga corrupt sa sistema ng credit, debit at kupit. Dahil sa corruption, nawawala ang tiwala ng tao sa gobyerno, nalulustay ang ibinayad na buwis ng mamamayan, at hindi naipagkakaloob ang mga nararapat na serbisyo. May corruption dahil sa kasakiman, mabagal na takbo ng hustisya, mahinang civil participation at mababang political transparency.

Dahil sa COVID-19 pandemic, bilyun-bilyong piso na ang ginastos ng gobyerno. Magkano kaya sa halagang ito ang nauwi sa corruption? Samantalang napakaraming naghihirap sa ngayon, may mga yumayaman din dahil sa corruption at pagsasamantala. Hindi kataka-taka kung sa taong ito’y lalo pang bumaba ang ating rank sa corruption index.

Siguradong sa lalong madaling panahon ay matutuklasan ang vaccine na susugpo sa coronavirus. Kailan kaya madidiskubre ang vaccine na papatay sa corruption virus?

Ang corruption ay matitigil lamang kung magkakaroon ng pagbabago sa takbo ng isip ng ating mga lider.  Ganito ang wika sa Roma 12:2, “Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito.  Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban.  Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.”

Kaya’t ang pagsugpo sa corruption ay isang labanang espiritwal. Kailangan ang radikal na reporma, ibig sabihin, tumbukin ang ugat o pinagmumulan ng problema. Hindi lamang build, build, build ang kailangan upang sumulong ang Pilipinas.  Kailangan din ang destroy, destroy, destroy corruption. Tulungan nawa tayo ng Diyos!

vuukle comment

CORONAVIRUS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with