Taal Volcano, ‘sinimulan’ ang pagpapasuot ng face mask
(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo (Pang-masa) - May 17, 2020 - 12:00am

MUKHANG tatagal pa nang maraming buwan at posibleng taon at magiging karaniwang tanawin na sa magiging “New Normal” ang mga face mask na suot ng sinuman mula bata hanggang matanda. Tatagal pa umano ito hangga’t wala pang natutuklasang mas mabisang bakuna at gamot sa COVID-19 kaya obligado ang mga mamamayan na magsuot ng face mask bukod pa sa pagsasagawa ng tinatawag na social distancing bilang pag-iingat at para tuluyang masawata ang pagkalat ng naturang sakit.

Hindi pa natin gaanong alintana rito sa Pilipinas ang COVID-19 nang una itong sumingaw sa Wuhan, China noong Disyembre ng nakaraang taon bagaman napapabalita na sa buong mundo.  Pero, kung matatandaan, nang pumutok ang Taal Volcano sa Batangas noong Enero, nagsimula nang magsuot ng face mask ang mamamayan sa Batangas at sa mga kadikit na lalawigan tulad sa Laguna at Cavite at maging sa ibang bahagi ng Luzon dahil  sa mga abo ng bulkan na kumalat at hinipan ng hangin sa himpapawid.

Nang humihina na ang galaw at hindi na gaanong nagbubuga ng usok at abo ang bulkan, unti-unting nababawasan ang mga nagsusuot ng face mask.  Pero, habang nababawasan ito, unti-unti namang nagsimula hanggang ganap na sumiklab ang pandemya ng COVID-19. Tumaas nang tumaas ang mga nahawahan ng ganitong sakit kaya marami ang biglang naghagilap at bumili ng face mask. Mapalad ang mga naitago pa nila ang face mask  na nagamit nila noong kasagsagan ng pagputok ng Taal. Kaso, mabilis nagkaubusan ng face mask. Nagtaasan pa ang presyo nito. Wala nang mabili sa mga botika at ibang mga tindahan lalo na iyong tinatawag na N-95. May mga napapabalitang hoarding. Dahil walang mabiling N-95 mask, iyong mga gawa sa tela  at ibang pasadya na lang ang pinagtitiyagaan ng ibang hindi makakuha ng tunay na N-95. May mga nagkakawang-gawa na sa pamimigay ng face mask.

Kahit pa sinasabi ng mga health expert na hindi kailangang magsuot ng face mask ang isang tao kung wala siyang sakit o hindi siya nag-aalaga ng pasyenteng may COVID-19, tuloy pa rin ang marami sa pagsusuot ng face mask kahit hindi sila doktor o health worker o walang sakit. Isang malaking dahilan marahil ang paniniyak na makaiwas sa sakit na ito. Obligado na nga sa kasalukuyan ang sino man na magsuot ng face mask kapag nasa labas ng bahay, nasa trabaho man at ibang lugar.

Sino ba naman ang mag-aakala na ang pagsusuot ng face mask noong pumutok ang Taal ay magtutuloy-tuloy na hanggang sa kasalukuyan. Tila isang pangitain ito sa mangyayari sa hinaharap. Parang pinaghanda tayo ng Taal sa magiging bagong normal sa buhay natin pagkatapos ng mahigpit na kuwarantina (enhanced man, general o modified).

Tila naman hindi na ngayon mahirap maghanap ng face mask. Makakabili na nito sa ilang mga botika kung hindi man lahat at maging sa ibang mga tindahan. Mukhang naiibsan na ang dating matinding kakulangan nito.  At tuluy-tuloy pa rin ang pangangailangan sa face mask na ito hangga’t meron pa ring banta sa COVID-19.  Kung hanggang kailan, walang makakabatid maliban na lang marahil kapag nakatuklas na ng bakuna at gamot na tulad ng sinasabi ng mga kinauukulang awtoridad.

Email: rbernardo2001@hotmail.com

TAAL VOLCANO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with