^

Paglilingkod sa kapwa ay pagsamba sa Diyos

USAP TAYO - Pastor Joey Umali (Pang-masa) - April 4, 2020 - 12:00am

NGAYON lamang nangyari na walang ginawang pagsamba sa loob ng mga simbahan upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. Pero hindi nangahulugan ito ng pagtigil ng pagsamba sa Diyos. Nagsagawa ang mga simbahan ng mga pagsamba sa pamamagitan ng social media. Walang pagsasama-samang pisikal, ngunit ang mga miyembro ng iba’t ibang iglesya ay nananatiling magkakasama sa puso, isip, diwa, at kaluluwa, gamit ang FaceBook at iba pang social media.

Katunayan lamang ito na ang iglesya ay hindi ang gusali. Ang iglesya ay saan mang lugar kung saan ang mga Kristiyano ay sumasamba at naglilingkod sa Diyos. Sa Juan 4:23 ay sinabi ni Hesus ang ganito, “Ngunit ang oras ay dumarating, at ngayon na nga, kung saan ang mga tunay na sumasamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat ganito ang hinahanap ng Ama na sasamba sa kanya.” Ang pagsamba sa espiritu ay ang pakikipagniig sa Diyos nang buong puso, isip, diwa at kaluluwa, saan mang dako. Ang pagsamba sa katotohanan ay ang paglilingkod sa kapwa saan man sila naroroon sa diwa ng pananampalataya, pag-asa at pag-ibig. Ito ang uri ng pagsambang ikinatutuwa ng Diyos.

Ang paglilingkod sa kapwa ay isang mataas na uri ng pagsamba sa Diyos.  Noong Kanyang panahon, si Jesus ay pinulaan ng mga Judio dahil Siya’y nagpagaling isang Araw ng Pamamahinga.  Ipinagbabawal noon ang paggawa ng anuman sa Araw ng Pamamahinga, kahit na nga ito’y gawain ng pagtulong sa kapwa.  Kaya sinabi ni Jesus sa Juan 2:27, “Nagkaroon ng Sabbath para sa tao, at hindi ng tao para sa Sabbath.”

Dahil sa kinakaharap nating krisis dala ng COVID-19 pandemic, ngayon ang panahon na dapat buksan ng mga simbahan ang kanilang mga pintuan, lalo na ‘yung malalaki’t mayayamang simbahan, upang maglingkod sa mga taong nangangailangan, kabilang na ang mga tinatawag nating frontliners — doktor, narses, medical, technologies, at iba pa.

Natutuwa ako na marami nang simbahang Katoliko, Ebangheliko at Protestante ang gumawa at gumagawa na nito. Sila ang mga tunay na Iglesya ng ating Panginoong Jesus. Sila ang mga iglesyang nagpapatuloy sa misyong sinimulan ni Jesus tungo sa transpormasyong espiritwal at sosyal. Pero hinahanap ko pa rin ang pakikisangkot ng mga iglesyang kilala dahil sa kanilang laki at yaman. Kung ang naglalakihang gusali ng mga iglesyang ito’y ipagagamit lamang sa serbisyo publiko, mabubuhay nang husto ang Kristianismo sa Pilipinas.

Ang COVID-19 pandemic ay susubok hindi lamang sa “stability” ng bawat gobyerno, kundi sa “relevance” ng bawat iglesya. May kabuluhan ba ang iglesya sa ating lipunan? Nagkaroon ba ng iglesya para sa tao? O nagkaroon ng tao para sa iglesya?

Minsan, sinabi ni Pope Francis, “Kung ako’y papipiliin sa pagitan ng isang sugatang iglesya na nasa kalsada at sa isang maysakit at inaalagaang iglesya, pipiliin ko ang una. Dapat nating iwasan na dapuan ng karamdamang espiritwal ang isang iglesya na nakabalot sa sarili nitong daigdig…”

Pagkatapos ng kasalukuyang krisis, sinumang iglesyang nagkulong sa sarili nitong daigdig at walang ginawa upang tulungan ang kapwa Pilipinong nangangailangan ay wala nang karapatang manatili sa lipunan.  Ang dapat dito’y isailalim habang panahon sa community quarantine at social distancing.

DIYOS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with