Tigas-ulo sa COVID, baka ataul maging forever mo!
BITAG - Ben Tulfo (Pang-masa) - April 2, 2020 - 12:00am

NAKAKABUWISIT makita at marinig sa mga balita na marami pa rin ang mga matitigas ang ulo nating mga kababayan.

 Sa halip pumirmi na lang sa bahay kasama ang buong pamilya, pinipili pa ring magpalabuy-laboy at dagdag-kalat sa mga lansangan at suluk-sulok ng barangay.

 Walang pakialam sa mandato ng gobyerno. Akala siguro nila “COVID-19” proof sila at hindi dadapuan ng virus.

 Ang nangyayari tuloy, dagdag-sakit sa ulo na ng pamahalaan, dagdag gastos pa kapag nahawa at dinapuan ng pandemic na sakit.

 Paulit-ulit na ngang apela ng pamahalaan, mag-self quarantine na lang. Para kahit papaano makatulong sa mga frontliner tulad ng mga sundalo, pulis at mga health worker.

 Kaya tama lang ang ginagawa ng ilang mga lokal na pamahalaan. Nagpapakita na ng kabaong sa kanilang mga constituent bilang panakot. Ewan ko lang kung hindi pa sila kilabutan.

 Kung umubra ang kanilang “scare tactic,” e ‘di mabuti, nang magising na ang mga sisiga-siga sa bawat barangay.

 Oo nga naman, ‘pag namatay ka dahil sa COVID-19 nag-iisa ka. Literal na maninigas kang mag-isa. Sa lengguwahe ng mga millennial “wala kang forever”.

Samantalang kapag pumirmi ka sa loob ng bahay, may kasama ka. Sama-sama kayo ng buong pamilya. Huwag lang kalilimutan ang social distancing.

Talagang nakakaawa ang mga health worker sa krisis na ito. Matinding sakripisyo ang kanilang ginagawa para lang makapaglapat ng lunas sa mga pasyente ng COVID-19.

Kaya tama lang ang panukala ng Philippine Medical Association, maglunsad na lang ng tele-konsulta.

Hindi na kailangan ng pasyente o ng sinumang indibidwal na personal na magsadya pa sa hospital o clinic para magpa-check-up. Gamit ang Facebook messenger, Viber, Skype at iba pang social media application, makakausap na ang mga dalubhasang doktor.

Kaya sa mga matitigas ang ulo diyan, kung hindi ka pa naman kinilabutan sa ipinakikitang kabaong na iyong kahahantungan, ewan ko na lang!

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with