EDSA People Power: Ang di-natapos na rebolusyon
USAP TAYO - Pastor Joey Umali (Pang-masa) - February 29, 2020 - 12:00am

TATLUMPU’T APAT na taon na ang lumipas nang mapatalsik ang rehimeng Marcos ng nakilala sa buong mundo na EDSA People Power Revolution.  Ito’y isang hindi natapos na rebolusyon, kung paanong ang Katipunan Revolution noong 1896 ay isang hindi natapos na rebolusyon.

Ang ipinaglaban ng mga Katipunero sa pamumuno ni Andres Bonifacio noong 1896 at ng milyun-milyong Pilipino noong 1986 ay hindi pa rin naipagwawagi. Lalong lumala ang katiwalian. Lalong lumawak ang akwat sa pagitan ng mahihirap at mayayaman. Lalong lumakas ang palakasan sa gobyerno. Noong panahon ng diktadurya, ipinasara ang ABS-CBN, ngayon, may mga pagtatangka ring ipasara ang ABS-CBN. Tila umuulit-ulit lamang ang kasaysayan.

Pansinin na ang dalawang magkahiwalay na makasaysayang petsa ay nagkabaliktad lang, tila isang pahiwatig na ang ating kasaysayan ay pabali-baliktad lang, paulit-ulit, patambling-tambling.  Ang madugong rebolusyon noong 1896 ay naganap sa isang kalye, sa Pugadlawin sa Balintawak, Quezon City. Ang mapayapang rebolusyon noong 1986 ay naganap din sa isang kalye, sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA), partikular sa bahagi ng Quezon City. Nakalulungkot na ang EDSA ngayon ay mas iniuugnay sa pagkaubos ng “power” bunga ng malalang trapiko, kaysa sa pagkabawi ng “power” bunga ng mapayapang rebolusyon.

May pag-asa pa ba tayong makita ang Pilipinas bilang bayang magiliw, bilang perlas ng silangan, bilang duyan ng magiting na inaawit natin sa “Lupang Hinirang”?  Malungkot na wika ng maraming social and political analysts, “Hindi sa panahon natin ngayon.  Siguro sa panahon ng mga anak ng ating mga apo.”

Ang isang malaking problema natin ay ang mababaw na kamulatan natin sa kasaysayan. Napakabuway ng ating “historical consciousness.”  Hindi natin pinahahalagahan ang nakaraan, hindi tayo natututo sa kasaysayan. Wika nga ni George Santayana, “Sila na di natututo sa kasaysayan ay nakatalagang mabaon dito.” Minsan, may reporter na nagtanong sa isang grupo ng kabataan kung ano ang kahalagahan ng EDSA People Power.  Magugulantang ka sa mga sagot.  ‘Yung isa’y nagtanong, “Pelikula po ba ‘yon?” ‘Yung isa naman, ang sabi, “Malling time, kasi holiday.”

Walang anumang bansang magiging dakila kung ang mamamayan nito ay hindi malalim na nakatanim sa ugat ng kasaysayan. Tayo, parang binabalewala natin ang ating kasaysayan.  ‘Yung taong lumupig sa dayuhang mananakop na si Magellan, aba’y isang isda ang ipinangalan natin sa kanya — Lapulapu. Marami tayong makasaysayang lugar ang binago ang mga pangalan at ipinangalan sa mga pulitiko. Itinuturo ba natin nang malaliman sa mga bata at kabataan ang ating kasaysayan upang matutunan nilang mahalin at ipagmalaki ang kanilang pagiging Pilipino?

Kung mayroon mang bansang hahangaan natin, ito’y ang Japan.  Ang mga Japanese ay lubhang makabayan. Mahal nila ang kanilang bayan at ipinagmamalaki nila ang pagiging Japanese dahil napakalalim ng kanilang kamalayang pangkasaysayan. Ang unang itinuturo sa kanilang eskwela ay ang kanilang mayamang kasaysayan at kultura.  Bago lumaki’t magkatrabaho, naitanim na sa isip at puso ng isang Japanese ang malalim na pagmamahal sa bansa.

Matatapos lamang ang mga ipinaglaban ng Katipunan Revolution noong 1896 at ang People Power Revolution noong 1986 kapag tayo’y nag-ugat na sa ating kasaysayan at natutuhan nang mahalin at ipagmalaki ang bansa.      

EDSA PEOPLE POWER
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with