Ang sabi ng bata
DIKLAP - Annabelle O. Buenviaje (Pang-masa) - February 29, 2020 - 12:00am

ANG tagiliran ng aming bahay sa probinsiya ay may kanal na inaagusan nang malakas na tubig. Parang makipot na munting ilog na marumi ang tubig. May bintana kami sa tagilirang iyon. Sa likod ng aming bahay ay may mga nakatira na hindi namin kakilala dahil matagal na kaming naninirahan sa ibang lugar. Umuuwi lang kami dito paminsan-minsan para magbakasyon.

Isang panahong nagbabakasyon ang aking ina ay nagkataong nililinisan ang kanal ng mga volunteers. Ang aking ina ay kasalukuyang naglilinis ng kuwarto nang marinig niya ang usapan ng mga naglilinis ng kanal.

“Ay may nagtapon ng diaper! Mga walang isip, sino kaya ang nagtapon nito?”

Isang boses ng batang lalaki ang pumailanlang.

‘Yun pong matanda diyan!

Sumagot ang isang volunteer.

Alam kaya ng matandang iyon na nililinisan natin ito?

Dumungaw ang aking ina, kitang-kita niya na nakaturo ang daliri ng batang lalaki sa aming bahay.

Mawalang- galang na sa inyo. Makikisali ako sa usapan ninyo.

Tumingin ang aking ina sa batang lalaki na mukhang nagulat.

Taga-diyan ka ? Inginuso ni Nanay ang bahay sa likuran.

Tumango ang bata na tantiya niya ay 9-12 gulang. Nagpatuloy sa pagsasalita ang aking ina.

Naririnig ko tuwing gabi na may umiiyak na sanggol diyan sa inyong bahay. Sa paligid natin ay kayo lang ang may sanggol na posibleng gumagamit ng diaper.

Kung makaturo ka ay siguradong-sigurado kang ako ang nagtapon ng diaper.

Nagsalita ang volunteer.

Pasensiya na po, usap bata lang ‘yan.

Usap bata?E, bakit dinig na dinig ko kanina… sa tono ng pananalita mo ay naniniwala ka sa sumbong ng batang iyan. Para sa inyong kaalaman, walang permanenteng nakatira sa bahay na ito at walang sanggol dito. Once a year lang nagkakaroon ng tao dito na suwerte nang tumagal ng isang linggo. Ipinaaalam ko sa inyo ang sitwasyon para alam ninyo kung sino ang may malaking tsansa na magtapon ng basura sa kanal na ito.

May naiwang palaisipan sa aking ina: Ano ang nagtulak sa batang iyon na magsinungaling at ituro siya na nagtapon ng diaper? May ganoon na palang bata ngayon, lintek nang galing magsinungaling!

Pero naisip niya ang kasabihang kung paano lumalakad ang alimangong matanda, ay siya rin magiging lakad ng alimangong bata. Hindi na siya magtataka.

BATA
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with