Escalation clause sa mga kontrata, makatarungan ba?
DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos (Pang-masa) - February 27, 2020 - 12:00am

Dear Attorney,

Maari po bang taasan ng nagpautang ang interes ng walang pahintulot o pasabi man lang sa may utang? Tinaasan po kasi ng nagpautang sa akin ang interes at ng tanungin ko kung bakit ay nasa loan contract naman daw iyon. Tiningnan ko ang kontrata at nakalagay nga naman doon na maaring itaas ng creditor ang interest ng walang pahintulot sa debtor. Naayon po ba batas ang probisyon na ito?

Mario

Dear Mario,

Matatawag na isang “escalation clause” ang probisyong nabanggit mo na nakasaad sa loan contract. Binibigyan ng escalation clause ng kapangyarihan ang creditor o ang nagpautang na itaas ng interest rate o tubo ng wala ng pahintulot o pasabi man lang sa may utang. Bagama’t malaya ang mga partido na itakda sa kanilang kontrata ang anumang gusto nilang pagkasunduan, hindi pa rin agad na masasabing valid o may bisa ang mga escalation clause dahil kadalasan ay binibigyan nito ng lubos na kapangyarihan ang isang panig sa isang kontrata. Taliwas na ito sa prinsipyo ng mutuality ng mga kontrata na nakasaad sa Article 1308 ng Civil Code. Ayon sa Article 1308, kailangang binibigkis ng isang kontrata ang lahat ng partido nito at hindi dapat nakadepende o nakaasa sa iisa o iilan lamang ang bisa o pagpapatupad ng mga probisyon nito.

Sa mga kaso katulad ng Spouses Juico v. China Banking Corporation, pinawalang-bisa ng Korte Suprema ang escalation clause ng kontrata dahil nilalabag nito ang mutuality principle ng contracts. Dagdag din ng Korte na maari namang valid ang isang escalation clause basta’t ito ay may kapares na “de-escalation clause” na nagtatakda ng mga kondisyon sa pagbaba ng interest rate. Kailangan din nakabatay sa interest rate na kasalukuyang nangingibabaw sa merkado ang ipapataw na interest upang hindi tanging nakabatay lang sa kagustuhan ng nagpautang ang pagtatakda nito.

Sa iyong kaso, kailangan mong tingnan ang buong loan contract. Kung mayroon naman kasing “de-escalation clause” at ang pagtatakda ng interest ay hindi naman lubusang nakabatay lang sa gusto ng nagpautang sa iyo ay masasabing valid ito. Kung wala namang kasamang mga katulad na probisyon ay wala itong bisa at hindi ka maaring singilin sa gustong interest ng nagpautang sa iyo.

ESCALATION CLAUSE
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with