POGO, mas mabagsik pa sa coronavirus
USAP TAYO - Pastor Joey Umali (Pang-masa) - February 22, 2020 - 12:00am

SA China ay iligal ang online gambling, pero rito sa Pilipinas ay ligal dahil sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na nasa ilalim ng pamamahala ng Philippine Amusement and Gaming Corporation. Ang POGO ay mga kompanya na nasa Pilipinas, pero nagsasagawa ng online gambling services sa labas ng Pilipinas. Bawal maglaro nito ang mga Pilipino, nasa loob man o labas ng Pilipinas.

Meron na ngayong 60 lisensiyadong POGO sa Pilipinas, kung saan ay nagtatrabaho ang tinatayang 130,000 Chinese. Nagtatayo na rin ng POGO establishments sa Pampanga at Cavite.  Ano ang mapapala ng Pilipinas sa POGO? Ayon sa PAGCOR, kikita ang Pilipinas nang hanggang P8 bilyon taun-taon mula sa operasyon ng POGO. Malaking halaga, pero pera lamang ba ang mahalaga?

Simula nang magkaroon ng POGO rito sa atin, tumaas din ang kaso ng sex trafficking, kidnapping, extortion, at mga krimeng kaugnay ng iligal na droga. Marami ring iniuulat na kaso ng pang-aabuso ng mga Chinese na nagtatrabaho sa POGO. Sinasabi ng ilang eksperto sa seguridad na posibleng may mga Chinese na nagtatrabaho sa POGO ay military agents ng China.

Tila nga tayo’y “nilulusob” na ng mga Chinese. Simula noong 2016, umaabot na sa 1.8 milyong Chinese ang bumisita sa Pilipinas bilang mga turista. Sa isang pagdinig na ginawa ng Senado sa pangunguna ni Senator Risa Hontiveros, ibinulgar ang diumano’y lagayang nagaganap sa Bureau of Immigration na tinawag na “pastillas racket,” kung saan ang P10,000 lagay ay ibinabalot sa puting papel upang mabilis na makapasok ang mga Chinese bilang mga turista, pero ang totoo ay nagtatrabaho sa POGO at iba pang kompanya.  Sa 1.8 milyong Chinese na dumating sa Pilipinas, sinasabing isang milyon ang nakapasok sa pamamagitan ng “pastillas racket” kung saan ang mga tiwali ay kumita ng P10 bilyon.

Samakatuwid, ang POGO ay nagiging pugad ng prostitusyon, karahasan, panloloko, pang-aabuso, katiwalian, at iba pang karumal-dumal na gawain. Dapat na itong ipahinto sa ngalan ng pambansang dangal at seguridad ng mga mamamayan.

Nakakahinayang ba ang P8 bilyong kita taun-taon na mawawala?  Hindi mahahalagahan ng salapi ang dangal at seguridad ng mga mamamayan ng isang bansa.  Wika nga sa 1 Timoteo 6:10, “Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan. Sa paghahangad na yumaman, may mga taong nalayo sa pananampalataya at nasadlak sa maraming kapighatian.”

Bagamat hindi naman tayo puwedeng maglaro sa POGO, isipin na lamang natin ang maraming tao sa ibang bansa na nasadlak sa kapighatian dahil sa online gambling services na dito sa atin ang operasyon!

Isang malaking batik ang POGO sa ating dangal hindi lamang bilang isang Kristiyanong bansa, kundi bilang isang bansang nagpapahalaga sa dignidad ng paggawa. Ito’y isang uri ng virus na mas mabagsik pa sa coronavirus.  Ang sinisira lamang ng coronavirus ay ang kalusugan. Ang sinsira ng POGO ay kaisipan at kaluluwa.  Ang buhay ay hindi pera-pera lang. Ang makabuluhang buhay ay higit pa sa pera at materyal na bagay.  Wika nga ni Hesus, “Mag-ingat kayo at bantayan ninyo ang inyong sarili sa lahat ng kasakiman. Sapagkat ang buhay ng tao ay hindi nakasalalay sa kasaganaan ng kanyang mga ari-arian.”

POGO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with