Hindi lang ang Bulkang Taal ang sumabog
USAP TAYO - Pastor Joey Umali (Pang-masa) - January 25, 2020 - 12:00am

SUMABOG ang Bulkang Taal noong Enero 12, na ang ibinugang abo at buhangin ay umabot sa Calabarzon, Metro Manila, at ilang bahagi ng Central Luzon, Pangasinan at Ilocos. Kasamang sumabog ng bulkan ang kabahayan at kabuhayan ng libu-libong naninirahan sa paligid ng dinarayong bulkan.

Libu-libong bakwit ang nananatili pa rin sa nagsisiksikang mga evacuation center. Bilyung-bilyong piso na ang tinatayang nasirang mga pananim, at libu-libo ang namatay na mga hayop. Ang mga tilapya at iba pang isda sa paligid ng bulkan na pagkain at kabuhayan ng mga mangingisda roon ay ipinagbawal na kainin dahil sa asupre. Isang magsasakang ang ikinabubuhay ay ang pagtatanim ng kape ang lumuluhang nagsabing dalawang taon ang kanyang hihintayin bago magbunga ang itatanim niyang kape. “Ala eh, alin lang sa dalawa, maunang mabuhay ang kape o mauna kaming mamatay,” may paghihinagpis na sinabi ng kaawa-awang magsasaka sa puntong Batangenyo.

Ang sumunod na mga pangyayari ay nagpalutang sa tinatawag na “resiliency” at “fatalism” ng mga Pilipino. Madali tayong makabangon mula sa krisis at dahil sa pananampalataya ay nagagawa nating suungin ang mga panganib sa paniniwalang may awa ang Diyos. Ipinagbawal ng mga otoridad ang pagpasok sa mga delikadong lugar sa paligid ng bulkan, ngunit nagpipilit ang mga residente na puntahan ang kanilang mga tahanan upang mailigtas ang mga alaga nilang hayop. Naging parang larong patintero ang sitwasyon.

Nang pinuri ng isang reporter ang katapangan ng isang magsasaka na binalikan ang taha­nang winasak ng pagsabog ng bulkan, wika ng magsasaka, “Aba’y hindi po ako matapang. Natatakot po ako, pero kailangan kong mailigtas ang mga alaga kong baboy, kabuhayan po namin iyon, eh.” Oo nga naman. Hindi ganito ang maaaring maging pagkatakot ng isang mayamang ang bahay ay winasak ng kalamidad, sapagkat siguradong may pera pa siya sa banko o maaaring nakasiguro naman ang kanyang ari-arian. Pero sa isang magsasakang tulad niya, ang pagkawasak ng tahanan at kabuhayan ay pagkawasak ng lahat, sapagkat iyon na mismo ang kanyang ipon.

Nang sumabog ang bulkan ay kasama ring sumambulat ang kasakiman ng ilang mga negosyante na gagamitin maging ang mga sitwasyon ng trahedya upang kumita ng malaking pera. Biruin mong ang dating gas mask na nagkakahalaga lamang ng P25 ay biglang naging P200! Sadya yatang marami sa ating lipunan ang mukhang pera.

Sa isang banda, nang sumabog ang bulkan ay kasamang pumailanglang ang magagandang katangian nating mga Pilipino. Nabuhay ang bayanihan!  Walang tigil ang dating ng relief goods—pagkain, tubig, damit, at kung anu-ano pa. Nanggaling ang mga tulong sa mga maykaya at maging sa mga walang kaya. Biruin mong isang ginang ang nagbigay ng dalawang duster dahil apat naman daw ang duster niya, hati sila! Nakakabagbag ng puso!

Nang sumabog ang bulkan, dapat sumabog din sa ating kamalayan ang isang katotohanan — na sa isang iglap, lahat ay maaaring mawala. Anumang itinatag ng tao, kayang wasakin ng kalikasan. Marami pa rin ang hindi abot ng karunungan ng tao. Hanggang ngayon, hindi kayang i-predict ng tao ang lindol at pagsabog ng bulkan. Tama ang winika sa Kawikaan 9:10, “Ang takot sa Panginoon ang simula ng karunungan.” Kapag may takot tayo sa Diyos, tutulungan Niya tayong malaman ang mga dapat nating malaman at makalaya mula sa ating kamangmangan.

BULKANG TAAL
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with