Makakatiis ka bang walang hawak na smartphone sa Pasko?
(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo (Pang-masa) - December 1, 2019 - 12:00am

MAY mga nag-eeksperimento sa ibang bansa tulad sa US ng tinatawag na Tech Shabbat. Ang salita  ay parang hinango sa salitang Shabbat o Shabbos na araw ng pahinga sa Hudaismo o ikapitong araw na panahon ng pahinga mula sa trabaho at sa salitang technology. Sa Tech Shabbat, maglalaan ka ng araw na wala kang internet, email, Facebook, Instagram, You Tube, viber, video games. Ang araw ay maaaring weekend na walang pasok sa trabaho o eskuwelahan o holiday tulad ng kapaskuhan at pagdiriwang sa Bagong Taon. Nakapatay, nakatago at malayo sa paningin at katawan ang smartphone sa panahong ito. Ang mga oras sa ganitong mga okasyon ay ilalaan sa pakikipag-usap at pakikipag-‘bonding’ nang personal at harapan sa mga pamilya, kamag-anak, o kaibigan. Maaari ring nagsosolo kang nagliliwaliw  at nagbabakasyon sa magagandang tanawin o lugar nang malayo sa digital world. May iba pang bagay sa mundo na maaaring makapagpaligaya sa tao. Hindi lang internet, social media at smartphone.

   Isang malaking kuwestiyon lang kung kakagat ang maraming Pilipino sa ganitong Tech Shabbat. Bawat masasayang okasyon ay inirerehistro nila sa kamera ng smartphone at inia-‘upload’ at sini-‘share’ sa Facebook o Instagram o inaabangan dito ng sinuman ang mga larawang kuha sa mga okasyong ito. Sa buwan pa naman ng Disyembre, bukod sa Pasko at Bagong Taon, may mga okasyong napapasabay dito tulad halimbawa ng mga kaarawan, anibersaryo,  reunion, kasalan at binyagan at bawat eksena rito ay nililitratuhan at, dahil sa kasabikan ay agad na isinasakay sa social media ang mga litratong kuha rito na hindi na makapaghintay ng bukas. Kaya nga hindi nahihiwalay sa sino man ang smartphone kahit pa dumadalo sila mga ganitong pagdiriwang at kailangang kunektado ito sa internet.

Pero totoong nakakaabala sa mga masasayang okasyon ang smartphone dahil, sa halip na nakikipag-‘bonding’   ka nang tuloy-tuloy sa mga nakakasama mo sa pagdiriwang, umaagaw sa iyong atensiyon ang newsfeed o mga post, messages, likes o comment o shares sa iyong Facebook o paglalaro ng games o panonood ng video halimbawa. Kaya masasabing isang malaking hamon ang TechShabbat sa mga lulong na lulong sa smartphone, social media at iba pang seksyon ng mundong digital.  Makakatiis ka bang wala kang hawak na cell phone sa Pasko at Bagong Taon? Maraming libangan na maaari at dati nang nagagawa kahit noong panahong hindi pa uso ang internet, cell phone, at tablet o iPad.

Gayunman, sa bansang tulad natin na maraming Pilipino ang may mga kamag-anak sa ibang bansa o kahit na sa mga magkakakilala o magkarelasyon na lubhang malayo sa isa’t isa , lalong nagiging mahalaga ang magkaroon ng cell phone o smartphone para sa kanilang komunikasyon lalo na sa mga okasyong tulad ng Pasko. Kaya siguro, itong idea  ng Tech Shabbat, depende na lang siguro sa mga sitwasyon. Kung hindi naman kailangan, huwag nang magdala ng smartphone sa mga pagdiriwang na nabanggit.

• • • • • •

Email: rbernardo2001@hotmail.com

PASKO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with