^

Punto Mo

Wasakin ang kultura ng paghihinala

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

SAYANG! Ito ang naibulalas ko nang sibakin ni Presidente Rodrigo Duterte si Bise Presidente Leni Robredo bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), pagkaraan lamang ng siyam na araw na panunungkulan. Nanghihinayang ako sa posibilidad ng pagkakaisa ng dalawang pinakamataas na pinuno ng gobyerno sa paglaban sa ilegal na droga.

Sinabi mismo ni Presidente Duterte na wala siyang tiwala sa Bise Presidente. Napakasaklap na deklarasyon, kung kaya’t marami ang nagtatanong na wala palang tiwala ay bakit inilagay pa sa tungkulin? Anumang ugnayan na hindi pinatatakbo ng tiwala ay walang kahahantungan kundi ang pagkawasak sa malao’t madali. Tiwala ang tuntungan ng lahat ng ugnayan. Alisin mo ang tuntungang ito at babagsak ang anumang naitatag na ugnayan. Tiwala rin ang dahilan kung bakit nagpapatuloy ang daloy ng buhay. Kung wala kang tiwala na mananatili kang ligtas sa kalye, hindi ka na lalabas ng bahay.    

Ito ang masaklap na nangyayari sa ating lipunan. Sa halip na pagtitiwala, ang umiiral sa atin ay laging paghihinala sa isa’t isa. Ang oposisyon at administrasyon, ang almusal ay paghihinala. Ang masaklap, kapag ang matataas na lider ng gobyerno ay walang tiwala sa isa’t isa at laging naghahanapan ng butas, ang apektado ay ang mga mamamayan.

Kung walang tiwala ang presidente sa bise presidente, naniniwala ako na wala ring tiwala ang bise presidente sa presidente. “The feeling is mutual,” wika nga. Ang kawalan ng pagtitiwala sa isa’t isa’y lalong umiigting kung nanggaling sa magkalabang partido ang nahalal na presidente at bise-presidente, tulad ng nangyari kina Duterte at Robredo. Kaya sa US, ang Presidente at Bise Presidente ay hindi inihahalal nang magkahiwalay, kundi bilang “team” upang maiwasan ang isang sitwasyon na wala nang gagawin ang Presidente at Bise presidente kundi ang maghinala sa isa’t isa.

Sa ating karanasan, mas gusto natin na ang inihahalal na Presidente at Bise Presidente ay mula sa magkalabang partido para magkaroon ng tinatawag na “check and balance.”  Pero sa halip na simpleng “check and balance,” ang nangyayari ay pagkabalam ng pag-unlad dahil sa paghihinala at kawalan ng tiwala.

Ang kawalan ng tiwala ay nangyayari mula sa itaas hanggang sa ibaba, mula sa Malacañang hanggang sa mga barangay. Ang totoo, ito ang isa sa pinakamalalang problema ng ating lipunan. Kung sinasabing ang katiwalian ay naging isa ng kultura, ang kawalan ng tiwala ay naging isa na ring kultura sa ating lipunan.

Hangga’t hindi tayo natututong magtiwala sa isa’t isa, lagi tayong pupulutin sa kangkungan. Mananatili tayong nangungulelat sa Asya sa punto ng kaunlaran at pagkakaisa. Sa mga susunod na halalan, ang pangunahing katangiang dapat nating hanapin sa kandidato ay ‘yong kayang pag-isahin ang buong Pilipinas. Huwag na tayong maghahalal ng mga kandidatong pinangingibabawan ng galit.

Pero ang pagbabago ng kultura ay magsisimula sa iyo. Una, matuto kang magtiwala sa Diyos. Sabi sa Kawikaan 3:5, “Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan.” Pangalawa, magtiwala ka sa iyong sarili. Mayroon kang magagawa para sa kabutihan ng iba. Pangatlo, magtiwala ka sa iyong kapwa. Mayroon silang magagawa para sa iyong kabutihan. Kapag naranasan mo ang ganitong pagtitiwala, doon ka pa lang makakaranas ng tunay na kapayapaan. Kapag naging ganito na ang tibok ng puso ng nakararaming Pilipino, mawawasak ang kultura ng paghihinala at kawalang-pagtitiwala at maisisigaw na natin, “Mabuhay ang Pilipinas!”

vuukle comment

ICAD

LENI ROBREDO

RODRIGO DUTERTE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with