^
EDITORYAL - Ipagkaloob na ang hustisya

EDITORYAL - Ipagkaloob na ang hustisya

(Pang-masa) - November 25, 2019 - 12:00am

NOONG Sabado ay ginunita ang ika-10 taon nang pinaka-karumal-dumal na krimen sa  bansa --- ang Maguindanao masaker. Sampung taon na ring naghihintay ng hustisya ang mga kaanak ng 58 katao na walang awang pinatay. Karamihan sa mga pinatay ay mga mamamahayag. Sama-sama silang inilibing sa malalim na hukay kasama ang mga sasakyan para mapagtakpan ang krimen. Nangyari ang masaker sa panahon ng 2010 elections. Pangunahing suspect ang pamilya Ampatuan.

Hanggang kailan pa maghihintay ang mga kaanak ng biktima para makamtan ang inaasam na hustisya? Sabi ng Supreme Court, sa Disyembre 20 ay ibababa na ang hatol. Pinal na umano ang desisyon.

Sana totoo na ito sapagkat marami sa mga kaanak ang nawawalan na ng pag-asa. Gusto na nilang ma-kamtan ang hustisya. Kamakailan, sinabi ng prime suspect na si Andal Ampatuan Jr. na wala naman daw matibay na katibayan laban sa kanya. Ang mga sinabi niya ay lalo pang nagdagdag sa kirot ng mga naulila ng biktima.

Noong nakaraang taon, sinabi ng Department of Justice (DOJ) na nalalapit na ang resolusyon sa kaso. Magdedesisyon na ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) at hahatulan na ang mga akusado.

Magugunita na noong Nob. 23, 2009, kasama ang mga mamamahayag, nagtungo sa Ampatuan, Maguindanao ang convoy na kinabibilangan ng asawa, kaanak, supporters ng kandidatong si Ismael Mangudadatu para mag-file ng kandidatura sa pagka-governor, subalit hinarang sila ng may 100 armadong kalalakihan at walang awang pinagbabaril. Matapos matiyak na patay na lahat, inilibing sa nakahandang malalim na hukay. Planado ang krimen.

Sinampahan ng kaso ang pamilya Ampatuan at mahigit 100 katao dahil sa masaker. Namayapa na ang matandang Ampatuan noong 2014 at mayroon namang pinalaya na dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Marami sa mga kaanak ng biktima ang nanga-ngamba dahil unti-unti umanong nawawala ng mga testigo sa karumal-dumal na krimen. Marami nang pinatay para wala nang makapagsalita sa totoong nangyari. Mayroon din umanong binayaran para umatras sa pagtestigo.

Hindi lamang mga kaanak ng biktima ang naghihintay sa resulta ng kasong ito kundi ang sambayanan man. Tama na ang 10 taon na paghihintay.

HUSTISYA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with