^

Panukala ng Diyos at batas ng tao, dapat pagsamahin

USAP TAYO - Pastor Joey Umali (Pang-masa) - November 23, 2019 - 12:00am

MAHUSAY na “work-life” balance, ito ang sikreto ng mata­gumpay na pamumuhay. Hindi puwedeng trabaho lang nang trabaho at walang sapat na pamamahinga. Hindi rin puwedeng pahinga lang nang pahinga at walang sapat na pagtatrabaho.

Ito ang pangmatagalang layunin ng isinusulong na panukala sa Kongreso na magtatakda ng apat na araw na trabaho sa loob ng isang linggo. Ang panukala ay inaasahan ding magpapaluwag nang malaki sa teribleng trapiko sa Metro Manila. Sa puntong pinansiyal, ayon sa  pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), P3.5 bilyon ang nasasayang araw-araw dahil sa trapiko. Walang katumbas na halaga ang pinsalang dulot nito sa kalusugang pisikal at emosyonal ng mga tao.

Sa 10 oras na pagtatrabaho araw-araw, kinakailangan lamang ng apat na araw upang makumpleto ang 40 oras na trabaho sa loob ng isang linggo na itinatakda ng batas na kailangang ipagtrabaho ng mga empleyado ng gobyerno. Sa ilalim ng panukala, ang mga empleyado ng gobyerno ay magtatrabaho mula Lunes hanggang Huwebes, sa ganap na 7:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi, kasama na ang isang oras na “lunch break.” Sa pribadong sektor naman, mula Martes hanggang Biyernes, sa katulad ding oras ng pagsisimula at pagtatapos. Ibig sabihin, magiging maluwag ang trapiko tuwing Lunes at Biyernes, sapagkat kung Lunes ay wala pang trabaho sa pribado at kung Biyernes naman ay wala nang trabaho sa gobyerno.

Apat na araw lamang magtratabaho ang mga empleyado sa gobyerno man o pribado, kung kaya’t tatlong araw ang mailalaan para sa pamilya at sarili.  Malaki rin itong tipid sa gastusin sa pamasahe at pagkain. Ayon sa mga eksperto, lilikha ito nang magandang “work-life balance” kung saan mababawasan ang “stress” ng mga empleyado, samantalang madaragdagan ang “quality time” para sa pamilya. Noong nakaraang taon, naging batas ang “telecommunicating” kung saan ay maaaring pahintulutan ang mga empleyado na magtrabaho sa loob ng kanilang tahanan.

Alam mo ba na ang Diyos ang unang gumawa ng batas tungkol sa “work-life balance?” Ito’y sa pamamagitan ng Kanyang utos tungkol sa Araw ng Pamamahinga. Ganito ang itinatakda sa Exodo 20:8-10, “Lagi mong tandaan at ilaan para sa akin ang Araw ng Pamamahinga.  Anim na araw kang magtatrabaho, at tapusin mo ang dapat gawin. Subalit ang ikapitong araw ay para kay Yahweh na iyong Diyos; ito ay Araw ng Pamamahinga.”

Nilikha ng Diyos ang lahat sa loob ng anim na araw, at sa ikapitong araw Siya’y nagpahinga, sapagkat natapos na Niya ang Kanyang gawain. Ayon sa mga pag-aaral, sapat na ang 10 oras na pagtatrabaho sa loob ng apat na araw upang matapos ang mga dapat tapusin ng isang empleyado. Gayunman, may paunawa ang Diyos sa atin, ang isang araw ay dapat ilaan sa Kanya, sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa mga bagay na espiritwal na katulad ng pagsisimba.

Matapos ang Araw ng Pamamahinga na gaya ng iniuutos ng Diyos, ang isang tao’y nakakatagpo ng bagong kapahingahang pisikal at emosyonal.  Para siyang baterya na bagong charged.  Natitigil ang “monotony” ng paulit-ulit at pare-parehong ginagawa araw-araw. Dahil dito, papasok siya sa trabaho na masigla at inspirado.

Ang panukalang-batas tungkol sa apat na araw na pagtatrabaho ay galing sa tao.  Ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga ay galing sa Diyos.  Kailangang pagsamahin ang dalawa para sa matagumpay na pamumuhay.

DIYOS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with